Aaminin ko, pinangarap kong maging reporter sa isang malaking broadcasting station. Sa totoo lang, hanggang ngayon [ay] ito pa rin ang pangarap ko. Ngunit tila mailap talaga sa akin ang career sa news reporting.
Taong 2012 nang una akong sumubok pumasok sa mainstream media. Nag-apply ako online sa ABS-CBN at GMA habang nagsusubok ring makapasok sa ibang kumpanya. Mahirap humanap ng trabaho. Halos araw-araw ay hindi bababa sa limang kumpanya ang pinupuntahan ko para mag-apply. Advertising, call center, sales atbp. Lahat sinubukan ko pero bigo ako. Nakaka-demo. Nakakababa ng moral na lahat tumatanggi sa iyo. Hanggang sa isang araw, habang nanlulumo akong pauwi mula sa pag-aapply ay may nagtext sa akin: “Hi Mr. Jaime de Guzman, this is ***** from ABS-CBN, you are invited to take the pre-employment examination on June 15, 8am at the ELJ Bldg. Please reply for confirmation. Thanks!”. Nabuhayan ako ng loob. Nagmadali akong umuwi at agad na ibinalita ito kay Mama. Mag-eexam palang ako pero pakiramdam ko e mag-start na ako sa trabaho. Iba talaga ang saya ko sa text na ito.
FAST FORWARD.
August 5, 2012. Unang araw ng trabaho ko bilang program researcher ng FAILON NGAYON. Masaya. Excited. Kinausap agad ako ng executive producer at unit head ng program. Tinalakay ang sweldo at iba pang bagay tungkol sa produksyon. Ayos naman. Mababait ang mga katrabaho ko. Pati ang mga boss ko e considerate. Sabik akong magtrabaho lalo na at investigative pa ang program na napuntahan ko. Pero hindi naging madali sa akin ang lahat. Dito ko unang nalaman ang trabaho sa likod ng camera. Mahirap ang trabaho. Mahirap maging researcher. Fulfilling ang trabaho pero mahirap. Halos buong lingo kang magtatrabaho para sa isang episode. [At] hindi mo pa tapos trabahuhin ang ieere mong episode e inuumpisahan mo na ring trabahuhin ang susunod na episode. Magkakasabay-sabay ang trabaho mo. Nakakabigla. Hanap ng case study, hanap ng props, locations, video research atbp. Lahat ng elemento para tumayo ang isang istorya e tatrabahuhin mo. Sa loob ng isa’t kalahating buwan ko e nakagawa rin ako ng dalawang episode. Nakakaproud pag napapanood mo ang gawa mo sa TV. Lahat halos ng tropa ko [e] tinext ko para panoorin ang episode at abangan ang pangalan ko sa dulo.
Pero eventually ay nagresign din ako. Dahil sa nature ng work, bumagsak ang katawan ko. Nagkasakit ako. At nawala ng ganang magtrabaho. Wala na uli akong trabaho. Pero hindi ako nabakante. Nagvolunteer naman ako bilang prop-media officer sa isang party-list. Sakto dahil mag-eeleksyon.
Pagkatapos ng eleksyon ng April 2013 ay nag-apply ulit ako online sa ABS-CBN at GMA. Nagtext agad sa akin ang ABS-CBN, ganon pa rin, exam, interview sa HR at iba pang pre-employment process. Matagal ang proseso sa ABS-CBN. Maraming interview. Hanggang sa tumawag na rin ang GMA. Pre-employment examinations. Hindi na ako masyadong excited. Sakto na lang.
Maaga ang exam ko, 8am. Pero 7:30 palang ay nasa GMA na ako. Hanggang sa pinapasok na kami ng guard at pinatuloy sa 2nd floor. At nagsimula na muli ang aking pakikibaka sa mainstream media.
Sa programang Imbestigador ako na-assign. Mabait rin at di matatawaran sa husay ang mga katrabaho ko. Maswerte talaga ako sa mga nakakatrabaho ko dahil mababait. Walang mga power-tripper. Walang masungit. Walang shit. Kaiba sa kwento ng ibang nasa media. At dahil hindi sa akin bago ang trabaho, naging madali sa aking gamayin ang sistema sa GMA. Pero ganon pa rin, mahirap talaga ang nature ng trabaho. Yung tipong gusto mo na lang sabihing “pwede bang umiyak na lang?”. Nakakaiyak ang bawat araw. Lalo na kapag nagsisimula ka palang. Wala ka pang contacts, resources at network para makakuha ng istorya, interviewee o case study at iba pang pwedeng maging elemento ng episode mo. Normal naman siguro ito.
Kahit paano ay nakatulong sa akin ang karanasan ko sa ABS-CBN para maendure ko ang pressure at stress sa trabaho. Hanggang sa nasanay na ako sa trabaho. Hindi na sa akin issue ang nature ng trabaho. Medyo nakakasabay na rin ako sa iba. Pero hindi ito sapat para manatili ako sa GMA. Habang dumadami na ang aking karanasan sa produksyon, mga nakikilalang tao, natutunan sa iba [ay] nagsisimula na rin akong mag-isip para sa kalagayan namin sa loob ng kompanya. Hindi kami regular, walang benepisyo, walang ayudang medikal, walang libreng bigas, walang leave atbp na dapat ay natatanggap ng isang empleyado. Malabo kaming maregular. Malabo ring ibigay ang mga benepisyo. Malabo lalo na at walang balak ang kompanya at sa katotohanan ay nais pa nitong panatilihin ang aming employment status bilang TALENT. No employer-employee relationship. Isang service-provider umano sa kumpanya. At sa puntong ito ay napaisip ako kung tama pa bang manatili pa ako sa isang kumpanya hindi ka binibigyan ng kasiguruhan sa hanap-buhay.
I resigned. Actually, hindi resignation letter ang ibinigay ko kundi “withdrawal of service” dahil ika nga nila, service-provider kami bilang talent ng GMA. Parang isang propesyunal na doktor na nagbibigayr ng serbisyo sa mga pasyente. No employer-employee relationship naman e. Walang pangangailangan para magresign.
Hanggang sa nabalitaan ko na lang ang laban ng mga dati kong katrabaho sa Imbestigador laban sa GMA—hindi lang ng mga taga-IMBESTIGADOR kundi maging ng ibang nagnanais na baguhin ang kasalukuyang umiiral na sistema sa GMA. Nakakapanghinayang na hindi na ako umabot sa laban nila. Sumuko ako e. Bigla kong naisip na sana pala ay hindi ako sumuko at sana [ay] kasama akong lumalaban para sa aming karapatan. Nakakapanghinayang na hindi na ako naging bahagi ng kanilang laban.
Pero nakakahanga. Nakakaproud na mabalitaan mong ang mga kasamahan mo dati sa trabaho ang sya ngayong nangunguna sa pagtataguyod ng kanilang karapatan— karapatan sa kasiguruhan sa trabaho at mga benepisyo; mga batayang karapatan ng isang empleyado. Nakakahanga ang kanilang paninindigan. Kahanga-hanga na handa nilang iwan ang kanilang mga karera para sa kanilang ipinaglalaban. Nakakahanga ang kanilang matibay na pagtindig laban sa GMA-- silang mga award-winning producer, writer, researcher at iba pang staff ng GMA na nagpapayaman kina Gozon. Nakakahanga silang mga dekalibreng empleyado ng GMA na gumawa ng pangalan ng mismong kumpanya sa larangan ng pamamamahayag. Silang mga tapat at buong pusong nag-aalay ng talino para sa trabahong itinuring na nilang buhay. Kahanga-hanga silang handang iwan ang kanilang comfort zone para sa laban hindi lamang ng manggagawa ng GMA kundi ng buong industriya ng pamamahayag. Kahanga-hanga.
WALA PA NGAYON ANG TAGUMPAY. Marahil ay malayo-layo pa ang lalakbayin ng inyong pakikibaka. Pero alam kong tiyak ang tagumpay nito. Sa huli, lagi’t laging nasa tama ang pagpanig ng hustisya. Maging masalimuot man ang laban, wala itong ibang patutunguhan kundi ang tagumpay. Hindi man ninyo matamasa ang inumpisahang laban, tiyak akong babaunin ninyo sa habang buhay ang ligasiya ng inyong laban! At sapat na ito upang taas-noo ninyong lisanin ang isang kumpanyang hindi nagbigay ng pagpapahalaga sa mga nagtaguyod ng kanilang tagumpay!
Lagi’t lagi lamang ninyong tatandaan na kasama ninyo kami sa laban. Kasabay ng hindi ninyo pagbitiw ang aming di-matatwarang suporta para sa inyo. Wala man kami sa istasyon, lagi ninyong baunin ang aming pagkagalak at paghanga para sa inyong determinasyon na lumaban para sa inyong karapatan!
Sa huli, wala tayong aasahan sa mga tulad nila. Sila na magkakapamilya, makakapuso at magkakapatid sa pagsasamantala. Kaya’t ano pa man ang mangyari, tuloy lang ang laban!