Pages

Monday, May 27, 2013

Bukas na liham para sa isang kaibigan

Kaibigan,

Matagal na rin nang huli tayong nagkakwentuhan sa mga buhay-buhay natin. Malamang madalas naman tayong mag-usap dahil magkakasama tayo sa gawain pero hindi na tulad ng dati. Bigla ko tuloy na-miss yung mga panahong kuntento na tayo kahit tayong dalawa lang ang magkaharap sa kwentuhan, foodtrip, inuman at gawain. Ayos na kahit dalawa lang tayong lumalakad para sa mga kalokohan. Tinulungan pa nga kita sa nililigawan mo noon. Yung nga lang hindi ka sinagot. Pero masaya pa rin tayo. Tayo pa! Wala naman tayong ibang ginawa kundi magpakasaya. Foodtrip ng burger, nood ng b*** sa celphone, tambay at kantahan sa bahay, gawa ng project o assignment ng bawat isa o kung ano pa man. Natatandaan ko pa, kapwa problema sa chix ang madalas nating pag-usapan nyan. Nanliligaw ka, ako naman may karelasyon na. Cool nga e. Naalala ko din minsan pa nga, mula sa iskwelahan, didretso ka ng bahay dahil nagtatampo ka sa tatay mo na pinahiya ka sa harap ng mga kasamahan nya. Ako naman, tumawa lang. Pero bilang kapalit ng pagpapatuloy ko sa'yo sa bahay, nanlibre ka ng french fries at burger sa may katabing bahay lang namin. Sulet!

Naalala mo din ba yung uminom tayo sa bahay para mailabas ko ang sama ng loob ko sa aking buhay pag-ibig? Ayos yun! Hati tayo sa pambili ng Empi pero sinagot mo yata ang pulutan natin. As usual french fries at burger ulit. Tayong dalawa lang nag-inom sa kwarto. Syempre lasing tayo. Sobrang lasing. Kinabukasan, tayo pa rin ang magkaharap. Literal na hind tayo nagsasawa sa bawat isa. Hanggang sa umalis ako. Ilang buwan din akong nawala. Pero bago ako umalis, syempre may pabaon ka pa rin sa akin. Madalas pa rin tayong magkaugnayan sa sulat ng mga panahong iyan. Actually, sa sulat mo lang nalaman kong hindi ka nga sinagot ng nililigawan natin este nililigawan mo. Busy ka pa rin sa pag-aaral mo nyan. At bago pa nga ako umalis, sinabi mong kailangan mong tapusin ang iyong pag-aaral kahit sa totoo lang ay sobra ka ng nahihirapan dito. Ang sagot ko, "Lahat ng bagay ay may katapusan. Kayang-kaya mo yan!".

Hindi lumilipas ang araw ng wala tayong galaw. Masaya ako sa mga nangyayari sa'yo. Ganun ka rin sa akin. Iisa lang ang takbo ng utak natin. Yung tipong daig pa natin ang magkapatid. Basta malapit tayo sa isa't isa. Sobra. Nagkakaintindihan tayo kahit wala tayong sinasabi sa bawat isa. Pakiramdaman. Alam na.

Hanggang sa mag-iba ang lahat. Marahil masyado kang naaliw sa eskwela at mga kabarkada. Kaya pagbalik ko, normal na lang ang lahat. Ako din naman. Iba na rin ako pagbalik ko. Sa totoo lang, nung muli tayong nagkita, nanibago ako. Hindi tayo maingay. Hindi tayo masyadong nagkikibuan. Hindi ka sabik sa kwento ko, wala ka ring kwento sa akin. Pero nanatiling normal ang lahat. Hindi na rin tayo masyadong nagkikita. Magkatext pero tungkol sa gawain at hindi upang mangamusta. Nagkakausap pero hindi upang magkwentuhan kundi dahil nasa iisang pulong tayo. Hindi naman tayo magkaaway. Wala tayong alitan pero nag-iba ang lahat. Tila tama nga ang sinabi ko sa'yo "Lahat ng bagay ay may katapusan.".

Hindi ko alam kung paano nagbago ang lahat. Bigla na lang nawala yung mga araw na yun. Yung parang kahit magkadikit pa tayo ng inuupuan ay tila napakalayo natin sa isa't isa. May kanya-kanya na rin tayong interes at gusto sa buhay. May iba ka ng kwneto. May iba ka ng buhay. Sa totoo lang, ni hindi ko na alam ang bawat nangyayari sa'yo hindi tulad ng dati na alam ko kahit bawat minuto ng galaw mo. Hindi ka narin nagkukwento kahit tungkol ng bago mong nagugustuhan. Nag-iba na tayo sa isa't isa. Pero ganun talaga. Lahat nagbabago.

Pero ganun nga ba talaga? Ngayon ko lang kasi naisip, anu pa man ang mga pinagdaanan natin, mga samaan ng loob, alitan, hindi pagkakaunawaan o kahit ano pa man, sana tulad pa rin tayo ng dati.


-akosiliet