Pages

Sunday, August 22, 2010

DUKOT: Pahabol na rebyu sa ilang mga eksena

Bagamat huli na ay minarapat ko pa ring makapagsulat ng isang rebyu o kritik sa pelikulang DUKOT (Direksyon ni Joel lamangan at Skript ni Bonifacio Ilagan). Maganda ang konsepto ng pelikula at nabigyan ng hustisya ni Joel Lamangan ang kagandahan ng pagkakasulat ni Boni Ilagan ng buong kwento. Napapanahon at 'di hamak na may kwenta kaysa sa mga box-office na pelikula ng star cinema, gmafilms at iba pa na wala ng ibang ginawa kundi magpalabas ng kung hindi man love story ay mahahalay na pelikula sa ngalan ng pera.

Ang DUKOT ay marahil isa sa mga maipagmamalaking pelikula ng aking henerasyon. Matapang. Makatotohanan at napapanahon. At kung dati ay may tambalang Pete Lacaba at Mike de Leon na kilala sa paggawa ng mga progresibong pelikula, ngayon ay mayroon ng tambalang Joel Lamangan at Bonifacio Ilagan. Hindi ko alam kung paano sila nagkakilala pero mukhang mapaparami pa ang pelikulang pagsasamahan nila. At ako ay nagagalak na isa sa mga batikang direktor ay napapasabak na sa paggawa ng ganitong pelikula. Marahil ay walang pera sa paggawa ng ganito pero higit pa run ay ang kagustuhan nilang makagawa ng isang pelikulang sasalamin sa mga napapanahong isyu ng ating panahon. Mabuhay kayo!

Hindi ko na siguro iisa isahin pa ang pagganap ng mga artista sa pelikulang ito pero sa pangkalahatan ay maganda at kahanga hanga ang kanilang naging pagganap sa kanilang mga karakter.  At ang ilan sa mga nagbigay ng buhay sa pelikulang ito ay sina Allen Dizon bilang Junix Etrata, Iza Calzado bilang Maricel Salvacruz at Gina Alajar bilang magulang ni Iza at si Jobert Arevalo bilang magulang ni Allen.
 
Junix Etrata portrayed by Allen Dizon

Tulad rin ng ibang pelikula ay may ilang eksena din akong 'di nagustuhan o sa kabuuan ay mga eksena sa pelikula na tingin ko ay kulang o 'di kaya ay medyo di kapani-paniwala. Isa na rito ay ang eskena kung saan ay may tumawag kay Rico Barrera (gumanap bilang Human Rights worker) habang siya ay nakikipag-usap sa mga magulang ni Allen (Junix). Ang 'di ko lubos maisip ay paano nakuhang magtiwala ni Rico sa kanyang kausap sa telepono na nagsabing mayroon daw impormasyon hinggil sa pagkakadukot ni Allen. At nagawa pa niyang lumabas na naging dahilan ng kanyang pagkakabaril sa kanya. Hindi ko masyadong maipaliwanag yung eksena pero ang punto ko, S.O.P o automatic naman sa isang tao lalong lalo na sa mga aktibista na hindi agad agad magtiwala sa mga impormasyong bigay ng isang 'di kilalang tao lalo na sa panahong delikado o alam mong hindi ganon kaligtas ang kalagayan. Binalaan na nga siya ng tatay ni Allen na papasukin na lang sa building at huwag ng bumaba. Parang ang nangyari tuloy ay naging pilit ang eksena -- na para lang magkaroon ng isa pang eksena ng pagpatay ay gumawa ang direktor ng isang eksena kung saan ay hindi naman ganoon kapani-paniwala.

Maricel Salvacruz portrayed by Iza Calzado

Isa pa sa mga 'di ko nagustuhang eksena ay ang kawalan ng pagkabig sa mga binitawang ideya ni Iza Calzado bilang isang lie low na aktibista. Sa kanyang mga eksena ay puro pagsisisi at kawalan ng tiwala sa kilusan ang kanyang inirehistro. May mga eksenang sinabi niyang nais niyang makipaghiwalay kay Allen dahil hindi siya nito nabibigyan ng panahon  at puro na lang kilusan ang kanyang inaatupag

Eksena na kung saan ay  nagpapahayag si Iza kay Allen ng pagki-quit nito sa kanilang organisasyon:
Junix: Akala ko nakakaintindi ka. Paano na yung mga pinag-aralan natin? Parang di ka naman namulat.

Maricel: Eh nabulagan nga ako eh!

Junix: Sa mga sinasabi mong iyan ay daig mo pa ang reaksyunaryo!

Maricel: Eh kaya nga ako nagki-quit eh!! Ayoko na! Ang bagay sayo eh kapwa mo panitiko! Hindi ka na tao, Junix. Wala ng ibang laman ang isip mo kundi pulitika, bayan at pambansang demokrasya! Kahit nga aniversarry natin nakalimutan mo na!
Hindi ito ang tumpak na pagkakasunod ng mga linyang binitawan nila pero sakto naman ang mga linyang ito. hehehe 'Di ko na kasi mareview ang pelikula.


Marami pang linyang binitiwan si Iza na talagang kontra sa mga ginagawa ni Allen at sa kilusan. May eksena pa nga rito na nagkaroon ng pagkakataon ang dalawa (Allen at Iza) na makapag-usap kung saan ay nagpapayo si Allen na magpakatatag at isiping nasa panig nila ang katarungan na ang naging tugon naman ni Iza ay para na daw sirang plaka si Allen sa kanyang mga sinasabi. Normal naman ito sa mga nanamlay ng aktibista kaso sana sa katapusan ng pelikula kahit sa eksenang malapit na silang mamatay ay nagkaroon ng pagkakataon si Iza para bawiin lahat ng ito at humingi ng paumanhin para sa pag-iisip niya lang sa sarili niyang kalagayan at sa kawalan ng tiwala sa kilusan.  Parang ang naging labas kasi eh balewala pala lahat ng pang-ideyolohiyang natutunan niya sa kilusan. Ang mababaw pa nga dun ay dahil sa usapin sa pag-ibig ay madali niyang naisuko ang kanyang pinaniniwalaan. Aktibista pa naman ang karelasyon niya at siya (Iza) mismo ay naging aktibista sa mahabang panahon. Hindi ko sinasabing hindi iyon makatotohanan. Pwede naman talaga itong mangyari. At nangyayari ito. Ang punto ko lang sa bahagi ng manunulat (na isa ring aktibista mula noon hanggang ngayon) ay sana nagawan niya ito ng paraan para naman magkaroon ng katwiran ang aktibismo at kilusan. Tulad ng pagkabig ng mga magulang ni Allen sa kanilang mga naging pananaw na ang kilusan ang nagpahamak sa kanilang anak. Dahil sa bandang dulo sila ay naging mga aktibista na. At nagkaroon pa ng maraming eksenang naipamalas nila ang kanilang pagtanggap sa makabuluhang laban nila at ng kanyang anak para sa hustisya!

Hindi ko rin ganon na-apreciate ang pagtakas ng isa sa mga aktibistang dinukot din ng militar at ginawang ahente nila. Nakaka-confuse lang kasi ang naging lokasyon nito. Pag pinanood mo kasi ang eksenang ito ay lalabas na parang umikot pa siya (na naging dahilan ng kanyang pagkakabaril) sa direksyong makikita siya ng mga militar. Hindi ako tiyak sa reaksyon kong ito pero ito talaga ang pagkakakita ko, feeling ko, pwede naman siyang dumeretso sa direksyong 'di siya makikita. Or kung hindi man siya umikot (dahil nga di ako sigurado sa eksenang ito) ay dumaan pa rin siya sa daang tiyak na makikita siya. Siguro ay check nyo na lang kung anong tingin nyo. Bandang dulo pa ito. :-)

Isa pa sa eksena na tingin ko rin ay hindi ganon naging akma ay ang pagpatay ni Noel (ginampanan ni Felix Roco) na isa ring aktibista. Para kasi sa akin ay bakit ipinakitang isang aktibong aktibista din ang papatay sa mga dumukot at pumatay sa kanyang kapatid na si Allen? Hindi ito kaaya-aya lalo na sa pag-intindi ng masa lalo na sa mga konserbatibo. Ang magiging interpretasyon kasi sa eksenang iyon ay "So ano'ng nangyari? Patayan na lang? Kapwa Pilipino ang papatay sa kapwa niya Pilipino. Para bang wala namang politika ang pagpatay niya sa mga dumukot at pumatay sa kanyang kapatid. Parang naghigante na lang. Ganun na lang. Naitampok pa namang aktibista siya. Maaari pa sigurong ipinalabas na lang na naging kasapi ng isang armadong grupo tulad ng New People's Army (NPA) si Noel at sa pamamagitan nun ay hahanap siya ng hustisya para sa kanyang kapatid. Makatotohanan naman ang ganito, dahil sa nakikita ng mga aktibista na wala silang laban sa mga armadong grupong (AFP) sumisiil sa kanila ay nagpapasya silang humawak din ng armas. Mas makatwiran pa ito kaysa ipakitang simpleng paghihigante lang ang nangyari.

Sa pangkalahatan, maganda ang buong kwento. Marami akong natutunan at lalo kong nakita ang kahalagahan ng pagpapakatatag. Maganda rin na ang naging pundasyon ng kwento ay ang pag-iibigan ni Allen at Iza. Magaan ang approach kumbaga! Kaso minsan naisip ko ding baka nga masyadong naging mababaw ang naging lundayan ng kwento.

Nasasayang lang ako sa mga puntong sana ay na-establish pa ang mga puntong nailahad ko. Maganda kasi at talagang maganda (technically and conceptually) kaso dalawa ang pwedeng maging reaksyon sa pelikulang ito, una ay naging makabuluhan ang laban nila kahit sila ay namatay. Pangalawa ay "ayan, tingnan nyo ang nangyari, namatay lang kayo, wala namang nangyari sa mga pinaglalaban nyo, dinamay nyo pa si Maricel na matagal ng umayaw sa kilusan". Ito ang pwedeng maiwang ideya sa mga manonood kasi nga hindi nalinaw ang ibang mga linya o mga eksena.

Hindi ko naman layuning sabihing naging perpekto talaga dapat ang pelikulang ito. Hindi pa rin naman ako nakakalimot na itong pelikulang ito ay hindi naman binuo ng mga nasa kaliwa o 'di kaya'y mga progresibo. Ito pa rin ay komersyal at ang prodyuser, mga artista hanggang sa direktor ay marahil hindi ganoon kamulat. Pero ito ay magandang simulain na para sa kanila. Sa lahat ng naging bahagi ng produksyong ito, mabuhay kayo! Sana, bukod sa pag-prodyus, pag-arte at pagiging bahagi ng pelikulang ito ay naintidihan nyo rin mismo ang esensya ng kwentong ito--ang kwentong maaaring tunay na buhay para sa iba.


Boni with portrait-  "Dukot (Desaparacidos)" is written by Bonifacio Ilagan, a Palanca-awardee and chairperson of the First Quarter Storm Movement
Joel Lamangan (Director of DUKOT) with Allen Dizon

1 comment:

  1. i definitely agree with this review...napaka kritikal kasi ng ganitong mga pelikula lalo na at isang mainstream movie ito...

    ReplyDelete

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!