Pages

Monday, September 27, 2010

100 Araw: Ang pagtutuos sa daang matuwid (Part 1)

Sabi nga ng K.M 64 sa pamamagitan ng kanilang account sa facebook na K.m Poetry, sa pinakahuling mga pag-aaral, sinasabing ang memory ng isang goldfish ay umaabot lamang sa tatlong buwan (lampas pa ang 100 araw). Ang lahat ng mangyayari pagkatapos ng tatlong buwan ay magiging panibagong mga alaala.

At sa nalalapit na ika-100 araw ng pamumuno ni Pangulong Aquino ay nababahala akong maging tulad ng isang goldfish ang karamihan dahil sa nakakasilaw na dilaw na tabing na bitbit niya. Nakakatakot na baka pagkalipas ng 100 araw ay makalimutan na ng iba ang mga nangyari sa atin ng mga nakaraang buwan. Ang pagkakahuli ng mga walang-hiyang gumagamit ng wang-wang, ang star-studded inauguration at State of the Nation Address ni P-Noy, ang paghihiwalay ni Kris at James Yap,  ang mga aktibistang pinatay sa unang linggo ni Aquino sa Malakanyang, ang kapalpakan sa Hostage-taking crisis sa Luneta, ang pag-iwas ng mahal nating pangulo sa isyu ng Hacienda Luisita, korapsyon sa MWSS, demolisyon sa North triangle, at ang makasaysayang pagbisita ni Pangulong Benigno Aquino III sa  Amerika at marami pang iba.

Kaya naman, minarapat kong buuin ang "100 Araw: Ang pagtutuos sa daang matuwid" na tatalakay sa mga ipinangako, mga hindi nagawa at dapat ginawa ni Aquino sa unang 100 araw niya sa pwesto. 

Ito ay serye ng sulatin, pag-aanalisa o mga paglalatag ng naging kalagayan ng iba't ibang sektor sa ating lipunan sa pamumuno ni Aquino sa loob ng unang tatlong buwan nito. And basically, tatalakayin nito ang naging pagtugon ni Aquino para sa people's agenda.

At para sa pinakauna sa mga serye ng ating mga ilalabas tungkol sa 100 araw ni P-noy ay minarapat kong ilatag ang kabuuang plano ng administrasyong Aquino para sa badyet pambansa sa taong 2011. 


PAMBANSANG BADYET 2011 

Sa kabuuan ay nagtalaga ang pamalahaan ng P1645 B para sa badyet pambansa sa taong 2011. At ito ay hinati sa iba't ibang aspeto o sektor tulad ng serbisyong pang-ekonomiko, serbisyong panlipunan,  defense, general public service,  at pambayad utang. 

At tulad ng inaasahan ng nakararami, pangalawa sa pinakamalaking badyet ay inilaan para sa defense na binigyan ng P77.5 B. Ibig sabihin ay nagtaas ito ng P4.2 B kumpara sa P73.3 B na badyet ngayong taon.

Nagtaas din ang badyet para sa pambayad utang na kung ngayon ay P272.6 B, itataas ito sa P357.1 B o 21.7 % ng kabuuang badyet para sa 2011. Ibig sabihin ay tumaas ng P80.4 B ang badyet para dito.

Samantala, tumaas naman ng bahagya ang badyet na inilaan para sa  serbisyo-sosyal. Naglaan ng P 560.8 B sa kabuuan ang pamahalaan para dito. Ngunit, kung tutuusin ay maliit pa rin ito dahil paghahati-hatian pa ang kakarampot na badyet na ito ng iba't ibang sektor tulad ng sektor ng edukasyon na nilaanan lamang ng P271.7 B, mas mataas ng P31.1 B sa badyet ngayon. Ngunit ang nakakalungkot ay sa kakarampot na pagtaas na ito ay lalo namang inabadona ng pamahalaan ang tungkulin nito para sa kolehiyo. Nagbawas ng 1.7% badyet ang pamahalaan para sa pampublikong pamantasan at unibersidad. Ang sektor pangkalusugan ay nilaanan naman P38.6 B badyet na 'di hamak na mas maliit ng P1.4B kumpara sa P40B badyet ngayon. Nakatali naman sa P133 B ang badyet para sa trabaho at P5.8 B para sa pabahay.

Nagsipagbabaan din ang mga badyet na inilaan para sa ekonomiya na kabilang ang agrikultura at badyet para sa general public services na kinabibilangan ng badyet para sa general administration at public order and safety. Sa kabuuan ay maglalaan ng P361.1 B para sa serbisyong pang-ekonomiya. P66 B dito ay nakalaan para sa agrikultura at reporma sa lupa mas maliit ng P23.1 B kumpara sa badyet ngayong taon. P273.5 B naman para sa general public services.


Sa aking pagtutuos ay lalong hindi makakaasa ang sambayanan na giginhawa ang kanilang pamumuhay lalo na at mali pa rin ang priyoridad ng pamahalaan sa pagbibigay ng badyet. Patuloy pa rin nitong nilalabag ang Article 14, section 5, paragraph 5 ng ating konstitusyon na nagsasabing dapat ang edukasyon ang paglaanan ng pinakamalaking badyet pambansa, sumunod ang para sa kalusugan. Ngunit ito ay malaking kabaliktaran dahil badyet sa militar pa rin at pambayad utang ang may pinakamalaking laang badyet sa susunod na taon. Hindi rin nito nasunod ang rekomendasyon ng United Nations Educational, Scientific, Cultural Organizations (UNESCO) na ilaan ang 6% ng kabuuang neto ng Gross National Product para sa edukasyon. At kung matatandaan natin, mula pa sa panahon ni dating pangulong Cory Aquino ay si Estrada na ang may pinakamalaking inilaang badyet para sa edukasyon na umabot ng 3.7% ng GNP (maliit pa rin kung tutuusin). Tulad din ito ng hindi pagsunod ng pamahalaan sa 5% GNP proposed allocation para sa serbisyong medikal ng United Nations. 

Hindi rin binigyan ng mataas na priyoritisasyon ang agrikultura na dapat ay pangunahing pagkunan natin ng kita o mismo ng ating kakainin. Lalabas sa proposed budget na ito na wala pa ring pagbabagong magaganap sa pamumuno ni Aquino at mas nakakabahala pa ay baka maging malala pa ito sa nagdaang administrasyon. Ang mga ipinangako ay hindi naman tinutugunan sa aktwal

Ito ba ang sinasabing matuwid na daan? Paano ka aasa na makapag-aaral na ang mas maraming kabataan kung hindi naman ganon kalaki ang itinaas ng badyet para sa edukasyon. Paano ka aasang matutugunan na ang panganagailangan natin sa 4 060 dagdag na guro, 61 343 dagdag na silid aralan, 816 291 dagdag na silya, 113,051 patubig at iba pang pasilidad at halos 400 milyong bagong libro kung nanatili sa pinakamababang estado ang sektor ng edukasyon o kung pinagpapatuloy lang naman ni Aquino ang pag-abandona nito. Paano ka makakaasa na mababago na ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga pasyente sa mga pampublikong hospital kung ang maliit na badyet pangkalusugan ay lalo pang tinapyasan. Kumbaga ang sisikang kalagayan ng mga pasyente sa hospital na may  6:1 ratio o isang kama  sa bawat anim na pasyente ay baka maging 10:1 o mas malala pa.

At paano ka aasa na matutugunan na ang usapin sa malnutrisyon, pabahay, kabuhayan at malawak na kahirapan sa ganitong maling priyoridad ng ating pamahalaan. Ibig sabihin, paano ka aasa kung ngayon pa lang ay wala ka ng aasahan? 

Marahil tama nga ang sinabi ni Bea Arellano, Secretary General ng Kalipunan ng damayang mahihirap (Kadamay)  sa aking interview sa kanya nung nakaraang Setyembre 23 na ang tuwid na daan ay tayo ang gagawa at hindi si Noynoy.


P.S.,
Kaya ko sinabing makasaysayan ang pagbisita ni P-Noy sa US ay dahil ipinakita ng pamahalaang Aquino ang pagpapakatuta nito sa Imperyalistang Amerika ganon din ang pagpapatuloy ng pambubusabos ng Impeng-US sa sambayanang pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay nito ng pankonswelo de bobong Compact Grant ng Millennium Challenge Corporation na nagkakahalaga ng $434 M na para daw sa mga programa upang labanan ang kahirapan at korapsyon na sa katotohanan ay isang pakana ng gobyernong Amerika para igiit ang mga neo-liberal na patakaran nito sa atin bansa.


1 comment:

  1. This clearly shows that the Estrada administration made housing a high priority than the Arroyo and Aquino administrations. President Aquino should take a cue from his predecessor and make some changes in order for progress to take place.

    ReplyDelete

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!