Pages

Sunday, September 26, 2010

Silang mga inspirasyon ko sa pagsulat

Ang daming magagaling na manunulat. Kanina nga lang ay nabasa ko ang sulatin ni Danilo Arao tungkol sa mga maralita ng San Roque II. Magaling. Mahusay at talagang kahanga-hanga ang mga ideya. Iba talaga si Prof. Danny, malinaw at simple lang ang mga gawa. Kumbaga "simple lang pero rock". At sa tuwing nagbabasa ko ang mga akda niya ay wala akong ibang sagot kundi, "oo nga" o 'di kaya ay "tama!". Nakakabilib ang kagalingan niya sa pagbabaybay ng mga ideya at pag-aanalisa sa mga isyu ng bayan. Malupit talaga.

Isa si Prof. Danny sa mga hinahangaan ko sa pagsusulat. At marami pa akong hinahangaan, sila Dean Rolando Tolentino ng UP Masscom at si Teo Marasigan ng Kapirasong Kritika. Pawang mga profesyonal at mga progresibo. Pawang mga may pangalan sa kanilang mga karera pero malawak ang pagtanaw sa pakikibaka ng bayan.

Sa totoo lang, nababasa ko lang ang kanilang mga gawa sa kanilang mga personal na blog o hindi kaya ay sa Pinoy Weekly. Sa bawat gawa nila, hindi ako nagsasawang basahin ito at pag-aaralan ang konstruksyon ng mga ideya, mga ginamit na salita at ang kabuuan ng sanaysanay. Ito kasi ang ginagamit kong istandard sa paggawa ng mga sulatin ko dito sa aking blog. Pero nakakahiya at hindi ko naman masasabing magka-level na ang aming mga sulatin. Malayo--sobrang layo. 

Pero bukod pa sa teknekalidad ng kanilang mga gawa ay mas hinahanggan ko ang mga ideya nila. Mas hinahangaan ko ang mga pananaw nila sa mga isyu ng bayan o kahit sa mga simpleng usapin. Ito 'yung mas pinag-aaralan ko sa mga sulatin nila. Ito 'yung mas gusto kong magawa sa mga sulatin ko--ang maging simple, tumpak at progresibo ito. Naisip ko nga, mga  tunay na manunulat at progresibo kasi sila kaya sa kabuuan ay maganda ang kanilang mga sanaysay. Hindi sila mga basta intelektwal, may pinaghuhugutan ang kanilang mga pananaw.

Sa tuwing mababasa ko ang kanilang mga gawa lalo kong nagkakaroon ng dahilan para magsulat nang magsulat. Magsulat tungkol sa iba't ibang usapin ng bayan. Kaya nga ako may blog. Isa sa mga dahilan kung bakit ako nagsumikap matutunan ang blogging ay dahil gusto kong maging katulad nila. Ang magsulat para maglingkod sa masa at magpropaganda. Gaya nga nang nakapaskil sa aking sidebar, hindi ko itinuturing na online diary ang aking blog, bagkus ay tinuturing ko itong lunsaran ng mga propaganda. At ginawa ko ang blog na ito para maglingkod sa mga api at hindi para lang tanawin ito bilang isang simpleng personal na site. Hindi ako magpapakapuyat para gumawa ng mga sulatin at hindi ako magpapakahirap matutunan ang teknikalidad ng blog kung ang magiging dahilan ko lang naman ay gumawa ng isang diary na nakabalandra online. Ayokong maging tulad ng iba.

Marami pa akong dapat matutunan. Marami pa akong dapat malaman at patuloy kong magiging inspirasyon ang mga sulatin ng mga hinahanggan kong manunulat at mamamahayag tulad nila Prof. Roland, Prof. Danny at Teo kahit sa katotohanan ay lumiliit ang tingin ko sa aking mga sulatin sa twing nababasa ko ang gawa ng mga taong ito. Hindi naman kasi ako mahusay sa balarila, ortograpiya, simtasis at komposisyon. Hindi  rin ako epektibo sa paggamit ng retorika. Sa madaling salita ay hindi ako dalubhasa sa wika at sa pagsulat. Pero ganon talaga, naniniwala akong gagaling din ako pagkalipas ng ilang sulatin. Minsan nga iniisip ko na lang, nauna kasi sila kaya 'di-hamak na mas magagaling talaga sila.

At sa pagkakataong ito ay nais ko nang ibigay ang pinakamataas na pagpupugay para sa kanilang mga ginagawa. Kahit wala lang naman ako para sa kanila--baka nga hindi nila ako kilala. Pero naniniwala naman akong may isang bagay na nag-uugnay sa amin--ang pagiging magkasama. Kaya hindi ko na hihintayin ang panahon ng parangal para sa naging mga ambag ninyo para sa pagsusulong ng panlipunang pagbabago dahil sa panahong iyon ay hindi nyo na ito maririnig. Ngayon pa lang nagpupugay na ako. Sana ay patuloy kayong magsulat at maglingkod sa mamamayan. At tulad ko, sana ay marami pang mapukaw sumulat nag mga sulating tumatalakay sa pakikibaka sa pagsusulong ng panlipunang pagbabago.

Mabuhay kayo!

No comments:

Post a Comment

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!