Pages

Thursday, October 7, 2010

100 Araw: Ang pagtutuos sa daang matuwid (Part 2)

Ito na ang pangalawang entri para sa 100 araw series ng blog natin. Sana ay magustuhan ninyo ang simpleng tulang ito na tumatalakay sa naging unang isang daang araw ni Pangulong Benigno Aquino III.

Si Jessie Barcelon, na sumulat ng tulang ito ay isang personal na kaibigan na kasalukuyang nag-aaral sa isang pampublikong pamantasan sa Maynila. Marami na rin siyang nagawang tula at maaari nyo itong mabasa sa pamamagitan ng kanyang facebook account. Salamat.

"5 MISTERYO SA LOOB NG 100 ARAW NA DELUBYO"
ni Jessie Barcelon

"Patawad sa inang maria"
(koro)

Sa ngalan ng Cojuanco, Aquino, lahat ng asendero,
sa basbas ng imperyalismo (BABAGSAK DIN KAYO)!


AMEN.

Narito ang 5 misteryo sa
loob ng 100 araw ng delubyo,
ng administrasyong Aquino.

Ang unang misteryo: Edukasyong negosyo.

Aba ginoong Aquino kabataa'y nadisgrasya.
Pinakamalaking budget cut ay iniatas mo.

Lubos na pinagpala ang mga kapitalista edukador,
na iyong pinaburan, gawing negosyo ang aming sektor.
Sta maria humanda ka na!
ang mga kabataa'y itinutulak mong mag-alsa.

Ngayo'y patuloy na lalakas ang
aming panawagan.
AMEN.

Ang ikalawang misteryo: Demolisyon de peste.

Aba ginoong Aquino maralita'y kinawawa.
Sa ngalan ng mga Ayala, winasak ang kanilang mga dampa.

Lubos kayong pinagpapala habang gutom ang maraming dukha.
Sa tapunan ng Montalban, magsisilbi nilang libingan!

Sta maria gabayan mo sila.
Lalo pang patibayin ang kanilang pakikibaka.
Ngayong sila ay namulat na at handa ng lumaban.
AMEN.

Ang ikatlong misteryo: Ang pagpapakatuta sa dayuhan.

Aba ginoong Aquino, punong-puno ka ng grasya.
Bilyong dolyar na pera,sa baya'y iyong dala-dala.

Dayuhang negosyo ang tiyak na makikinabang rito.
Kaiba sa iyong sinabi,na dadami ang trabaho.

Sta maria ano ang kanyang ginagawa,
sa dayuhang pamumuhunan,
siya'y nangayupapa.

Sukdulang ipamigay ang yaman ng bansa.

Sa huli ang taumbaya'y,
alipin parin ng dayuhan.
AMEN...

Ang ikaapat na misteryo: Repormang agraryo.

Aba ginoong Aquino malinaw na ang tindig mo.
Ang malalaking hasyendero ay nasa likod mo.
Tunay na reporma sa lupa, patuloy mong pinagkakanulo.

Kaya't heto ang magsasaka sa maynila nagkakampo.

Sta maria ginamit mo pa ang Diyos.
Paglakas ng hanay namin,
paghandaan mo ng lubos.

Sa malawak ng kanayunan,handa na kaming lumaban..

Lupa'y babawiin at muli pa'y magiging amin..
AMEN.

Ang ika limang misteryo: Pasismo ng estado.

Aba ginoong Aquino madugo ang mga palad mo.
Sa aming hanay 14 ang agad pinatay,
ng inyong mga halimaw na hukbong sandatahan.

Hulihan sa Mendiola,
batuhan sa North Edsa.

Ngunit pagresponde sa hostage area,
ang hukbo mo'y puros tanga!

Sta maria matakot ka na.
Ang iyong baya'y nag-iisip ng humawak ng sandata.

5 taon mula ngayon ika'y aagawan ng kapangyarihan.
At ito'y ipagtatagumpay ng buong SAMBAYANAN!

AMEN.


No comments:

Post a Comment

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!