Pages

Friday, October 8, 2010

100 Araw: Ang pagtutuos sa daang matuwid (Part 5)

Isang Bukas na Liham sa Okasyon ng Ika-100 Araw ng Panunungkulan ni Noynoy Aquino

Kahapon ng umaga, ako, kasama ng aking mga kapwa lider estudyante, ay dumalo at nakinig sa “Report kay Boss” ni Pang. Benigno Simeon Aquino III.  Sa parehong pagtitipon, nangahas akong ilatag ang mga isyu ng kabataan at mamamayan.

Oo, kami ay inimbitahan para saksihan ang “pag-uulat” ng Pangulo. Gayunman, nakita naming higit sa pagsaksi ang kailangan naming gawin. At higit sa lahat, hindi sinasagot ng naturang “ulat” ang mga panawagan ng kabataan at mamamayan para sa tunay na pagbabago.

Hinintay namin ang pagkakataong ito, ang makaharap ang pangulo upang igiit ang karapatan  sa edukasyon, na makailang beses nang niyurakan at inabandona ng mga nagdaang administrasyon. Ilang linggo ang nakakaraan, libong kabataan at estudyante ang kumilos para sa karapatan sa edukasyon. Tinutulan namin ang humigit kumulang P400 milyong kaltas sa budget para sa mga state colleges and universities. Kinokondena namin ang P1.39 bilyong kaltas sa budget ng Unibersidad ng Pilipinas, pinakamataas sa kasaysayan nito.

Kailanman ay di namin matatanggap ang pagbabawas sa pondo ng edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan, gayong alam naming nananatiling priyoridad sa pagpopondo ng gobyerno ang utang panlabas at serbisyo militar. Hindi kami mag-aatubiling tuligsain ang pondo ng taumbayan na sa halip ilaan sa edukasyon at mga serbisyong panlipunan ay ilalaan pa sa pagpapalawig ng pwersa ng militar. Ito, habang patuloy na namamayagpag ang mga berdugo  at salarin sa libu-libong pamamaslang at sapilitang pagkawala sa nagdaang administrasyon, at nagpapatuloy ang patakaran ng karahasan at panunupil na Oplan Bantay Laya.

Tumampok sa ulat ni Pang. Aquino ang mga aksyon nito sa mga kaso ng korupsyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Gayunman, bago pa man maupo si Pang. Aquino, batid nating higit sa korupsyon ang suliranin ng ating bayan. Bakit wala ang mga ito sa ulat ng Pangulo?

Kasabay ng pag-upo ni Pang. Noynoy Aquino, mariing ipinanawagan ng mga magsasaka na ipatupad na ang tunay na reporma sa lupa. Nasaan ito sa ulat ni Pang. Aquino? Libu-libong mamamayan ang pinapalayas sa kanilang mga tahanan at kabuhayan, bakit mas pinaboran pa nito ang dagdag-buwis at dagdag-singil sa MRT at LRT?  Sa kakapusan ng kabuhayan ng mamamayan, ang natatanging solusyon pa rin ng gobyernong Aquino ay ang paglalako ng mga Pilipino sa mga dayuhan, walang pinag-iba sa mga nagdaang mga Pangulo ng bansa. Sa panawagang usigin ang mga tiwali at maysala sa mamamayan, ang sagot ng gobyernong Aquino ay ang walang pangil na Truth Commission.

Unti-unting lumalabas na kung sino ang boss ni Noynoy. Nitong nakaraang buwan, dumulog si Aquino sa gobyerno ng Estados Unidos, para pag-ibayuhin pa ang suporta nito sa kanyang gobyerno. Kahapon ng umaga, sa parehong mga upuan, pinakinggan namin ang ulat sa bayan kasama ang mga uring makapangyarihan sa ating bayan, ang mga malalaking negosyante at mga haciendero at panginoong maylupa.

Ang tanong ng kabataan: saan patungo ngayon ang daang matuwid? Sa pagkakamit ng katarungan at ng mga batayang karapatan ng mamamayan, o sa pagpapatuloy ng mga kontra-kabataan at kontra-mamamayang polisiya ng mga nagdaang administrasyon?

Hindi, hindi na kami maghihintay ng lampas sa 100 araw, 1000 araw, o ng isang buong termino. Hinihingi ng mga ganitong panahon ang pagkilos ng kabataan at mamamayan.  At kung kailangang muling magsalita at maghayag, kung kailangang sumabad sa usapan ng mga maykapangyarihan, kung kailangang basagin ang kanilang katahimikan.

Magsilbi itong babala sa gobyernong  Aquino. Ang boss na ang nagsasalita.

Cesarie Ann Santos
Chairperson, UP Manila University Student Council


Salamat kay Ces Santos este sa kaibigan niyang moderator yata ng kanyang facebook account para sa kontribusyong ito. Hanep. Ang lupit ninyo. Mabuhay kayo!

Ang sulating ito ay maaari ding mabasa sa official site ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).

No comments:

Post a Comment

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!