Pages

Friday, October 1, 2010

Para kay kasamang Bruks

Simple lang ang iyong kabaong. Kabaong ng mga pangkaraniwang tao. Hindi rin kaaya-aya ang lugar kung saan ka ibinurol. Pero alam kong payapa ka dahil ang simpleng kabaong kung saan ka nakahimlay ay naglalarawan ng kapayakan ng buhay mo at ang hindi kaaya-ayang lugar kung saan ka ibinurol ng ilang araw ay ang lugar kung saan ka minahal ng mga masang inorganisa mo.

Tama si Jonna Baldres na marahil ay hindi ka nga kilala ng karamihan sa hanay natin dahil wala kang posisyong pang nasyunal. Organisador ka kasi sa komunidad at sa malawak na hanay ng maralita sa inyong lugar. Aaminin ko, hindi rin kita kilala. Nakikita pero hindi nagkaroon ng pagkakataong makausap o makilala. At sa totoo lang, hindi pamilyar ang pangalan mo para sa akin at sa mukha lang kita kilala. Kaya nung nakita ko ang larawan mo, nagulat ako at sabi ko sa sarili ko, ikaw pala ang sinasabi nilang patay. Pagkatapos kong makita ang larawan mo ay nag-post agad ako sa facebook account ng status message na “isang karangalang makasama ka sa mga pagkilos ng hindi ko man lang namamalayan”.  Pasensya na talaga pagkat hindi kita kilala at hindi kita kinilala.

Pero hindi man kita nakilala at hindi ko rin alam ang naging gawain mo, malinaw naman sa mga iniwang mensahe ng mga taong nakasama at minulat mo na may pambihira kang husay sa paggampan ng mga tungkulin para sa pagsusulong ng panlipunang pagbabago. Sa kabila ng pang-ekonomiyang kakapusan ay hindi ka nag-atubiling kumilos. Sabi nga nila, mahusay ka! At tingin ko ay mahusay ka hindi lamang dahil sa wala ka na kundi mahusay ka dahil sa mga masang nagpahayag ng kahusayan mo para sa kanila. Sila yung mga taong sa kabila ng pagkakaroon mo marahil ng hindi katanggap-tanggap na estadong panlipunan (dahil sa kasadlakan sa kahirapan) ay ginawang inspirasyon ang kadakilaan mo. Ipinakita mo kung paano ang magpakatao. At mas naging makabuluhan pa ang buhay mo kaysa sa mga taong may karangyaan ngunit wala naman ginagawa para sa bayan. At ako mismo ay humanga sa mga nalaman ko tungkol sa iyo. Hindi man naging maganda ang naging simulain ng buhay mo, nagpupugay ako dahil sa namatay ka ng nagpapakabuti bilang tao. Namatay ka na ipinaglalaban ang mamamayan. At namatay ka hindi lamang para sa sarili ngunit para sa kalayaan ng mas marami. Tinahak mo ang masalimuot na landas ng pakikibaka kahit alam kong sawa ka na sa kasalimuotan ng buhay mo. Tinahak mo ang landas ng makabuluhang laban para sa ganap na kalayaan at sapat na iyon para ikaw ay pagpugayan.

At sana ay naririnig mo pa ang pagpupugay ng mga taong naging bahagi ng pag-unlad mo at ang pagpupugay ng mga masang ginawang inspirasyon ang buhay mo. Pinagpupugayan ka ng mga masang inorganisa mo at tinitiyak kong pagpupugayan ka pa ng mas malawak na hanay ng mamamayang Pilipino sa panahon ng ganap na paglaya nito. At sa panahong ito ay muling dadakilain ang payak ngunit makasaysayang buhay at kamatayang inalay mo sa sambayan!

Tulad pa rin ng mensahe ng iyong kaibigan si Jonna Baldres, marahil ay wala kang lugar para sa mga sikat na libro at pahayagan ng mga apolitikal na intelektwal, hindi rin magiging prominente ang iyong kamatayan sa kasalukuyang lipunan ngunit tatandaan mong malaki ang puwang na nakalaan sa iyo sa piling ng masang labis mong minahal.

LUPA, SAHOD, TRABAHO AT KARAPATAN, IPAGLABAN!

PAGPUPUGAY SA IYO KASAMANG BRUKS!
MABUHAY ANG IYONG KADAKILAAN!
PINAGPUPUGAYAN NAMIN ANG MAKABULUHANG BUHAY AT KAMATAYANG INALAY MO PARA SA GANAP NA PAGLAYA NG SAMBAYANAN!


P.S.

Madalas daw ay banggitin ni kasamang bruks na "YS FOREVER" at ngayon alam na nila ang ibig sabihin nun. Namatay si kasamang Bruks sa edad na 35 at pasok pa siya sa edad ng mga kabataan. YS forever talaga! :-) Paalam at hanggang sa tagumpay, kasama.


Si kasamang Bruks sa piket ng mga manggagawa sa Kowloon. Larawan mula kay Jonna Baldres

1 comment:

  1. pinagpupugayan ka kasamang bruks. sa mga intelektwal, hindi man prominente ang iyong kasaysayan ngunit sa masang api, sa sambayanang iyong pinaglingkuran at pinag-alayan ng buhay, walang hanggan ang tumbas ng bawat sakripisyo mo kasama.


    YS FOREVER BRUKS!

    ReplyDelete

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!