Pages

Thursday, January 20, 2011

Sa Ika-24 anibersaryo ng masaker sa Mendiola

“Makakamtan lamang ng mga biktima ng masaker sa Mendiola at marami pang magsasaka ang tunay na hustisya sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tunay na repormang agraryo.”

Pagbabalik tanaw

Taong 1986 nang maluklok bilang Pangulo si Cory Aquino matapos ipagtagumpay ng mamamayan ang laban sa pagpapatalsik sa diktadurang Marcos. Isa sa mga ipinangako ni Gng. Aquino sa mamamayan ay ang pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo. Katunayan, mataas pa ang moral ng mga magsasaka sa panahong sila ay nakipagpulong kay Aquino dahil tinanggap pa nito ang dokumentong isinumite nila para sa Genuine Agrarian Program. Nangako din si Aquino na uumpisahan niya ang pagpapatupad nito sa mismong hasyendang pinagmamay-arian ng angkan nila ang-- ‘Hacienda Luisita’.

Ngunit tila iba ang direksyong tinahak ni Aquino. Kaiba sa ipinangako nito sa mamamayan ay walang tunay na repormang agraryong naipatupad ang Pangulo sa mga unang buwan nito sa pwesto. Sa panahong ito, alam na ng mga magsasaka na wala silang maasahan sa administrasyong Aquino. Para sa mga magsasaka, isang kahungkagan ang maniwala sa pangako ni Aquino na magpapatupad ng repormang agraryo ang kanyang administrasyon ngayong kabilang ang pamilya nito sa mga pinamalalaking panginoong may lupa sa bansa.

Disyembre 1986 ng mapagkaisahan sa pambansang konseho ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na magsagawa ng kampuhan sa tapat Ministry of Agrarian Reform (MAR) para ipaalala kay Aquino ang pangako nitong magpapatupad ng tunay na repormang agraryo.

Ngunit lumipas ang dalawampung araw ng kampuhan nang hindi humaharap ang noo’y kalihim ng agrarian reform na si Heherson T. Alvarez kaya nagpasya ang mga magsasaka na magdaos ng protesta sa Mendiola.

Ika-22 ng Enero 1987 ng magmartsa ang humigit kumulang 10 000 magsasaka mula sa opisina ng Agrarian Reform patungong Mendiola. Panawagan nila sa pamahalaan, ipatupad ang tunay na repormang agraryo gaya ng ipinangako ni Aquino. Bagamat dismayado sa kawalan ng tugon ng gobyerno sa kanilang  panawagan, taas moral na nagtungo ang bulto ng magsasaka sa Mendiola para irehistro ang kanilang hinaing.

Sa kabila ng kahandaan ng mga magsasaka sa kanilang kilos-protesta, nakahanda na rin ng panahong iyon ang pinagsanib na pwersa ng militar at pulis na harangin ang mga magsasaka. Nakahanda na sa paanan ng Mediola ang anti-riot police sa ilalim ni dating Capital Regional Command commander Gen. Ramon Montaño, ang Task Force Nazareno sa ialim ng command ni Col. Cesar Nazareno at pwersa ng kapulisan sa ilalim ng command ng dating hepe ng Western Police District (WPD) at ngayo’y Manila Mayor Alfredo Lim.

Kasama din sa bulto ng haharang sa protesta ng mga magsasaka ang ilang myembro ng Integrated National Police Field Force, Philippine Marine Corps, at ang Marine Civil Disturbance Control. At sa likod ng mga crowd dispersal units ay ang ilang truck ng sundalo, mga water cannons, truck ng bumbero at dalawang mobile dispersal team.

Nauwi ang mapayapang kilos-protesta ng mga magsasaka sa karahasan ng estado. Pinaulanan ng bala ng kapulisan at mga sundalo ang mga magsasaka na nagresulta sa pagkasawi ng 13 magsasaka at pagkasugat ng 39 mula sa hanay nila. Kasama sa mga napaslang sina Danilo Arjona, Evangelio, Leopoldo Alonzo, Angelito Guiterrez, Adelfa Aribe, Rodrigo Grampan, Dionisio Bautista, Bernabe Laquindanum, Roberto Caylo, Sonny Boy Perez, Vincent Campomanes, Roberto Yumul, and Ronilo Dumanico.

Dahil sa pangyayari, agarang nagpalabas si dating Pangulong Aquino ng Administrative Order No. 1 na bumubuo sa isang independent investigating body para sa masaker na tinawag na Citizens’ Mendiola Commission (CMC). Binubuo ang komisyon nina retired Supreme Court Justice Vicente Abad Santos bilang chairman, retired Supreme Court Justice Jose Y. Feria at Antonio U. Miranda bilang mga myembro.

Ayon sa report ng CMC, ang protesta sa pangunguna ng KMP sa unang banda ay walang anumang permit na lumalabag sa Batas Pambansa Blg. 880--ang Public Assembly Act of 1985. Nakalagay rin sa report ng komisyon na nilabag rin ng dispersal control units ang nasabing batas dahil na rin sa pagtataglay nila ng .38 at .45 na baril, at ng M-16. Napuna rin ng CMC na ang mga opisyal ng pulis ang mga komander ng militar ay hindi unipormado sa panahong iyon.

Naglabas ang komisyon ng ilang rekomendasyon ayon na rin sa kanilang imbestigasyon. Ilan sa mga rekomendasyon nito ay ang pagkakaso sa ilang nagpoprotesta dahil sa pagbibitbit umano ng mga ito ng ilang nakamamatay at iligal na kagamitan. Kinastigo rin ng CMC ang kabiguan ng mga opisyal ng pulis at militar na i-dispres ang mga nagpo-protesta sa mapayapang paraan at pagpapataw sa mga ito ng administrative sanctions. Nirekomenda rin ng CMC ang kompensasyon sa mga biktima ng masaker.

Taong 1988 naman ng maglabas ang Manila Regional Trial Court Branch 9 na nagbabasura sa P6.5-million class suit na isinampa ng mga kaanak ng biktima. Kinatigan ng Korte Suprema ang naging desisyon ng MRTC na nagpapawalang sala sa administrasyong Aquino. Ayon sa desisyon ng Korte Suprema, hindi maaaring makasuhan ang gobyernong Aquino dahil na rin sa state’s immunity from suit na ginagarantiya ng Konstitusyon.


Higit dalawang dekada ng inhustisya 

Sa Ika-22 ng Enero ay gugunitain ng libo-libong magsasaka ang Ika-24 na anibersaryo ng makasaysayang Mendiola Massacre. Higit dalawang dekada na ang nakalipas ngunit mailap pa rin ang hustisya sa mga naging biktima ng masaker. Wala pa ring katarungang nakakamit ang mga kamag-anak ng biktima at wala pa ring nanagot sa karumal-dumal na pangyayari.

Para sa mga kaanak ng biktima at sa marami pang magsasaka, makakamtan lamang nila ang katarungan sa panahon ng ganap na katuparan ng tunay na repormang agraryo. Dahil ito ang panawagan ng kanilang mga kapatid, kaibigan, asawa at anak noong panahong nagdaos ang mga ito ng kilos-protesta at pinaslang dalawamput apat na taon na ang nakakaraan.

At ngayong Pangulo ang anak ng dating Pangulong may malaking kinalaman sa masaker, malaki ang inaasahan ng taumbayan sa pagkakamit ng hustisya ng mga biktima.

Hamon ng nakararami, kung tunay ngang may diwa ng pabibigay hustisya si Pangulong Aquino III, na ipamahagi na niya ang 6,543 ektaryang lupain ng Hacienda Luisita at muling buksan ang kaso ng Mendiola Massacre para mapanagot ang mga tunay na salarin.

Sa Ika-21 ng Enero ay magmamartsa ang ilang libong magsasaka patungong Mendiola upang manawagan ng hustisya at ito ay mauulit sa mga susunod pang taon. Dahil kasabay ng paggunita ng mamamayan sa karumal-dumal na krimen na ito ay ang lalong pagpapalakas ng panawagan para sa  panlipunang hustisya sa mga magsasaka. 

Bagamat hindi pa ako buhay sa panahong naganap ang Mendiola massacre, malinaw sa akin ang kadakilaan ng mga magsasakang nag-alay ng buhay para sa kanilang matagal nang inaasam na repormang agraryo.

Walang nagbago sa mga panawagan. Ilang dekada na ang nakalipas ngunit ang panawagang LUPA para sa mga magsasaka at pagsusulong ng tunay na repormang agraryo ay nanatiling tumpak hanggang ngayon.
 
Dahil muna noon hanggang ngayon ay laganap na ang pagsasamantala sa mga magsasaka, pangagamkam ng lupa, ang hindi pantay na hatian sa ani, at higit sa lahat ang kawalan tunay na repormang agraryo.

KATARUNGAN PARA SA MGA BIKTIMA NG MENDIOLA MASSACRE!
Datos mula sa ilang sulatin sa Pinoy WeeklyBulalat at Philippine Daily Inquirer.
____________________________________________________________________
Kung kayo ay nagkakaroon ng problema sa panonood sa video na nasa itaas, maaari ninyong i-click ang link na ito.

No comments:

Post a Comment

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!