Ito 'yung transcription ng mga sinabi ni Vilma:
Sumulat muli sa
akin si tokayo, nakikiramay, nalulungkot, nagdarasal. Hindi lamang para kay Ka Dencio,
para na rin sa lahat ng biktima ng isang malupit na sistemang panlipunan. Mga biktimang katulad ni Gigi noon na nagdusa at hindi nakatagal.
At mga biktimang katulad
ni Ka Dencio na namatay na
tumututol at lumaban.
Sumagot ako kay tokayo, sinabi
ko sa kanyang marami pa akong hindi alam. Marami pa akong dapat malaman tungkol
sa kasalukuyang kalagayan; tungkol sa mga dapat gawin. Pero narito na ako
ngayon sa gitna ng mga pangyayari. May konting nadagdag sa kaalaman at
pang-unawa pero patuloy na nag-aaral at natututo. Hindi nananonood na lamang kundi nakikiisa sa pagdurusa ng
mga hindi makaimik, Nakikiisa sa paglaban ng mga nagdurusa. Tumutulong sa abot ng aking makakaya.
Sabi nga ni Ka
Dencio noong nabubuhay pa siya, kung
hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? At kung hindi ngayon, kailan pa?
Sa tuwing binabasa ko at pinapakinggan ko ang mga linyang ito ay hindi ko maiwasang gustuhing sabihin o ipabasa pa ito sa marami ko pang kababayan. Sa aking kapatid, sa aking ina at ama, sa mga kaibigan, kaklse, kakakilala at sino pa mang nakakausap ko. Gusto kong sabihing pakinggan nyo ang linyang ito na nabuo panahon pa ng diktadurang Marcos ngunit magpasahanggang ngayon ay akma pa rin sa kalagayan ng Pinas. Na sana katulad ni Sister Stella ay hindi na lang tayo makuntento sa panonood at pakikinig sa kalagayan ng bansa ngunit dapat maramdaman nating kailangan nating kumilos para baguhin ang sistemang panlipunang nagsasamantala sa karamihan.
At sana ay matuto tayong makialam sa mga isyung bumabagabag hindi man sa sarili mo ngunit sa iyong mga kababayan. Laganap ang kahirapan-- ang kagutuman. Maraming magsasaka ang walang lupa. Binubusabos ang mga manggagawa. Walang edukasyon ang karamihan. At pinagkakaitan tayo ng serbisyong panlipunan. Pero bakit wala ka pa ring pakialam? Hihintayin mo pa bang ikaw na ang makiramdam ng ganitong kalagayan?
Walang kikilos para baguhin ang ating lipunan kundi tayo at walang ibang panahon kundi ngayon!!!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!