Pages

Monday, July 20, 2009

OPEN LETTER: Ang SONA ng mamamayan

ANIM NA ARAW NA LANG at gaganapin na ang pang-siyam at pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ni Gloria.

Masyado lang akong nasasabik na makita kung ilang libong mamamayan na naman ang magmamartsa sa lansangan upang idaos ang “SONA NG BAYAN”.

Ilang magsasaka kaya ang luluwas ng Maynila para ipanawagan ang sariling lupa at at tunay na repormang agraryo. Ilang manggagawa kaya ang ‘di mangingiming lumiban sa kanilang trabaho para ipanawagan ang disenteng trabaho at mas mataas na sahod. Ilang kabataan na naman kaya ang mangangahas na mag-walk out sa klase para sumuporta sa laban ng batayang sektor at ipanawagan ang Edukasyon para sa Lahat. Ilang kawani ng gobyerno kaya ang muling magbo-boycott ng SONA ng presidente at sasama sa lansangan upang magmartsa. 



Ilang abogado, doktor, scientist at mga propesyunal kaya ang makikilahok sa protesta. Ilang politiko, artista at mga sikat na personahe kaya ang magsasalita sa entablado para sa kanilang sariling agenda bukod sa pagkundena sa mga programa at patakaran ni Gloria!

ILANG LIBO KAYA SILA (KAMI)?

Protesta ANTI- SONA ang pinakaunang demonstrasyon nilahukan ko bilang aktibista. Tanda ko pa lahat ng nangyari nang unang sumama ako sa rali; konti ang pagkain, nabilad sa araw tapos umulan, basta mahirap. Pero hindi ko alam kung bakit hindi ko yun ininda. Siguro, dahil sa agitation na naramdaman ko. Masaya ako noon dahil naging bahagi ako ng pagkilos ng mamamayan. Naging bahagi ako ng laban nila (namin).

Naalala ko tuloy yung dating nilahukan kong rali para ipinawagan ang TUNAY NA REPORMANG AGRARYO at PAGBASURA SA CARPER. Agitated ako nun kahit walang tigil ang ulan. Nagbibigay ako ng mga leaflets sa mga tao habang nagmamartsa. May lalaki akong nilapitan at binigyan ng leaflets, mariin nya itong tinanggihan. Sa kabila ng pagpapaliwanag ko sa kanya ay panay ang tugon nya na: Sayang lang ang pagod n’yo, wala na kayong magagawa dyan! Walang kwenta ang pinaglalaban nyo!

Ewan pero sobra akong nainis sa pahayag nyang yun! Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang pag-uudyok nyang wala na “kayong” magagawa. Sino ba ang tinutukoy nyang “kayo”? Hindi ba’t ito ang mamamamayan? Hindi ako makapaniwala sa paniniwala nyang wala ng magagawa ang mamamayan.

Sa bawat pagsambit nya ng kanyang linya ay para bang sinasabi nyang WALANG KAHIRAPAN, WALANG KAGUTUMAN, WALANG PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO at PARA BANG WALANG DEMONYO SA PALASYO!

Naisip ko tuloy, siguro hindi pa nya nararanasan ang kahirapan, kagutuman at panghahaharas ng estado na isinisigaw namin. (inosente lang ang nagtataka)

At naisip ko lang, baka sa panahon na maranasan nya ang kahirapan, kagutuman, pandarahas, panunupil, pananamantala o mawalan ng trabaho ay saka nya lang mapagtanto na totoo pala ang kahirapan at kagutumang inakala nyang haka haka lamang ng mga tinagurian nyang patay gutom na mga magsasaka. Saka nya lang itatanong sa sarili nya bakit nga ba ito nangyayari.
Saka nya lang maisip na totoo pala ang panunupil ng estado sa mamamayan at malaki ang pananagutan dito ng gobyerno. Saka lang nya maintindihan kung bakit nung panahon na tumanggi syang basahin o kunin man lang ang leaflets na inaaabot ko ay pilit ko sa kanya itong ipinaiintindi. Saka nya lang malalaman ang sagot sa tanong kung bakit may aktibista. Saka nya lang itatanong sa sarili nya kung bakit nga ba mayaman ang Pilipinas pero naghihirap ang sambayanang pilipino (MKLRP). Saka nya lang maiisip na nakikinabang pala s'ya sa tagumpay ng 'taong bayan' pero wala s'yang pakialam!

At saka nya lang mapagtatanto na nagkaroon pala sya dati ng pagkakataon na ipaglaban ang kanyang karapatan ngunit kinutya nya ito at tinanggihan.

Pero ang nakakalungkot ay HINDI LAMANG SYA NAG-IISA!

Napakaraming tao na hanggang ngayon ay kwinikwestyon pa rin ang kahalagahan at tagumpay ng sama samang pagkilos. Napakaraming tao ang hanggang ngayon ay ‘di pa rin alam ang nararapat nilang gawin o kung alam man nila ay wala silang PAKIALAM. Napakaraming tao ang hanggang ngayon ay di marunong makinig at umintindi ng kanyang kalagayan. At napakarami pa ring taong nais manatili sa pagitan ng dalawang nagtutunggaliang pwersa ng lipunan at habang buhay na sumalig sa kanilang Comfort zone.


Pero ang maganda ay MAY PAGKAKATAON PA. May pagkakataon pa para makinig, umintindi at manindigan para sa mga panlipunang usapin. Sa totoo lang, wala ng ibang panahon para lumaban.

Ngayon na ang panahon para manindigan!

Isipin mo, hindi lang sumisigaw ang taumbayan sa kalsada (rali) tulad ng iniisip mo, SILA AY NANININDIGAN SA BAWAT SIGAW!

At bawat sigaw ay may kasamang pag-asa na darating araw na may lupa na ang bawat magsasaka; may trabaho at karampatang sahod ang bawat manggagawa; may edukasyon ang bawat kabataan; natatamasa ang karapatan ng bawat isa; at may maayos at tapat ng serbisyong panlipunan!

Ito ang pinaglalaban nila!

Isipin mo, hindi tayo ang nag-umpisa ng laban ng sambayanang Pilipino. Matagal na ito sa kasaysayan. Ngunit, kaylangan lang nating ipagpatuloy ang kanilang naging tagumpay!

Kung hindi ka kikilos,
ILANG MAYAMAN PA ANG LALONG YAYAMAN, AT MAHIRAP ANG LALONG MAGHIHIRAP? ILANG KABATAAN PA ANG MAGTATRABAHO SA NAPAKAAGANG PANAHON? ILANG MAG-AARAL PA ANG GA-GRADUATE NGA NGUNIT WALANG ALAM AT ILANG GLORIA PA ANG HINIHINTAY MONG DUMAAN?

Huwag kang maging unfair sa henerasyong tinatarantado ng iilan dahil may panahon ka naman para lumaban.

AT HIGIT SA LAHAT,
Huwag mong hayaang habambuhay ka na lang maging “BENIFICIARIES” ng tagumpay ng mamamayan!

1 comment:

  1. ..hirap magcomment sa ganitong usapan, lalo't nasanay na kami sa school namin, bilang "politically dead people".. pero i agree with all of what you've said.. pag may nagbibigay sakin ng leaflets sa daan tinatanggap ko at binabasa, naiinis kc ako sa iba na pagkakuha ng leaflets tinatapon din sa daan, nakakaawa tuloy yung nageefort magbigay.. yung mga tao na nagiisip na walang kwenta yung ipinaglalaban ng mga nagrarally ng may sense eh stupido, coz' they're not in the position of those people.. sana maging "sensitive" lahat ng tao, kaya naman tumulong ng kahit sino, iba't-iba nga lang yung way.. kahit maliit na bagay sobrang helpful yun.. :)

    ReplyDelete

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!