Pages

Tuesday, September 1, 2009

Open Invitation

Hindi ito isang tribute para sa akin. Hindi naman ako prominente tulad ng ating pangulo para gawan ng tribute. Siguro, gusto ko lang bigyang saysay yung kaarawan ko. Sa tagalog ko ito isinulat dahil ito ang wika kung saan kaya kong ilabas yung mga ideya ko nang sakto sa kung ano ang nararamdaman ko. Kahit sa pinakabalbal pa na pamamaraan.

Bago sumapit ang aking kaarawan, ang dami kong inisip. Sabi ko, ano kaya ang gagawin ko sa araw na ‘yun. May ihahanda ba ako, saan ako magpapakain, may magreregalo kaya sa akin, sino ang mga babati at sino ang hindi at napakarami pa. Alam ko, tipikal lang ito para sa mga taong malapit na ang kaarawan. S’yempre, plinano ko ang lahat. Maghahanda ako sa bahay! Iimbitahan ang mga kasamahan sa eskwela, magkakantahan at magkukwentuhan ng walang humpay. Muli, alam ko, isa itong tipikal na ginagawa ng may kaarawan.

Isang linggo bago ang araw ko, sinabi ko na kay mama na maghahanda ako, may bisita ako, overnight sa bahay, kantahan. Syempre naging mabilis ang tugon nya: NAKU, WALA TAYONG PERA, SAAN TAYO KUKUHA NG PANGHAHANDA NYO? (Kambal kasi kami). At naging mabilis din naman ang tugon ko: HALA?!!

Sa totoo lang, hindi naman kami naghahanda ‘pag birthday. Piling ko nga, normal na araw lang naman ito at nagiging espesyal lang naman ito dahil ipinaalam mo sa iba na espesyal ito. Yun lang.

At dahil nga sa wala akong panghanda, tinanggap ko nang wala akong maipangtutustos sa araw na iyon para maging espesyal ito. At siguro, dahil walang handa, hindi s’ya espesyal. Gano’n ba ‘yun? Marahil gano’n na nga. Siguro, magiging normal na araw lang s’ya. Normal na kailangang gawin ang mga bagay na dapat kong gawin bilang estudyante at aktibista.  Kailangang mag-recruit ng mga new member, kailangang tugunan ang mga isyu ng mga estudyante, kailangang magdiscuss ng mga isyu, kailangang gawin ang thesis, kailangang magpabalik-balik sa opisina ng Sentral na Konseho ng Mag-aaral para trabahuhin ang nalalapit na PUP 105th founding Anniversarry. At kailangang mag-aral! NORMAL. Wala ng iba kundi normal.

Isa pa, naisip ko din (ito na siguro ang pinaka-exaggerated na part para sa iyo), na napa-inconsiderate ko naman kung sa panahon na lubog ang karamihan sa kahirapan ay magpaparty ako. Siguro, iisipin nyo, O.A ako; na minsan lang naman sa isang taon ka mag-birthday kaya ok lang na magpakasaya. Na araw mo ‘to kaya ‘wag kang masyadong seryoso. Pero para kasi sa akin, hindi naman party ang MAPAGPASYA para maging masaya ka sa araw na iyon. Sila (Ideological State Apparatus) lang naman ang nagsabi na dapat may party kapag birthday.

Gugugulin ko na lang ang araw na ‘yun para sa mga gawain ko bilang pambansa-demokratkong aktibista. At masaya ako para dun. Masaya ako na gumampan ng mga gawain. ‘Yun ‘yung “araw ko” na pwede kong araw-arawin. Mas magiging masaya nga siguro ako kung ‘yung mga myembro namin ay magsasabi sa akin na may bago silang recruit na myembro. Mas matutuwa din siguro ako kung sasabihin nilang may na-discussan silang mga estudyante. Magiging masaya ako kung may mga isyung pang-estudyante ang muli naming mapapagtagumpayan. At mas magiging espesyal sa akin ang araw na iyan kung mababalitaan kong bababa na si GMA.

Pero kung tutuusin, pwede ka namang maging masaya ng walang handa e o kantahan. Ayoko na rin ng ganon dahil naiisip ko, parte ng kulturang popular ang kakayahan nating magsawalang paki sa kalagayan ng iba porket iba ang kalagayan natin; na paano mo naaatim na kumain ng napakarami habang yung iba nga walang makain kahit kaarawan nila. Yung iba nga hindi na nila alam na may kaarawan sila. Tulad ng kung paano naatim at dinipensahan ng malacanang ang pagkain ng pamilya ni Arroyo ng halos $20 000 para lamang sa hapunan habang 3.7 M Pilipino ang nakararanas ng involuntary hunger (conservative data pa yan). Hindi lang si GMA ang dapat nakokonsensya sa t’wing nagiging insensitive tayo para sa kalagayan ng iba. Lalo na kung ang mga “iba” na ito ay ang karamihan. At isipin mo na lang, kung ako nga na may tatay na nasa abroad at nanay na sumasahod ng lampas sa sampung libo ay hindi kayang maghanda, paano pa kaya ‘yung iba na mga walang trabaho ang mga magulang? Siguro iba ang konsepto ng handaan at kaarawan para sa kanila. Siguro walasila nito.

Masaya na rin naman ako na kasama ko yung mga gusto kong mga makasama at makakwentuhan sa araw na ito--magkwentuhan tungkol sa pulitika at pakikibaka. Mababaw talaga. Kasi nga, para sa akin, normal lang ang araw na ito.

Sa totoo lang, gusto kong makatanggap ng regalo. Bihira lang kasi na may magbigay sa akin ng regalo. At wala nga yatang magbibigay kahit matapos ang araw na ito. Sana makatanggap ako ng DSLR camera, cellphone, damit, laptop, load atbp. Yan ang mga gusto kong matanggap sa birthday ko, pero wala naman sa’king magbibigay n’yan e. Walang may kaya. Isa pa, nakakakonsensya para sa akin na iyan ang mga bagay na gusto kong matanggap sa araw ko habang ‘yung iba ay walang ibang gusto kundi ang may maipanglaman sa tiyan nila, birthday man nila o hindi.

At ‘wag mong sasabihin sa akin na kasalanan nila iyon kasi mahirap sila. At ‘wag mo ring sasabihin sa akin na kaya mo namang maghanda kaya maghahanda ka. Wala namang problema sa akin kung ‘yun ang gusto nyo sa birthday nyo. Ang sa akin lang, ayokong lumangoy sa paniniwalang iyon ang magpapasaya sa birthday mo. ‘Yun ba ang masaya para sa iyo, ang magpakasaya sa kabila ng pagdaramdam ng iba? ‘Yun ba ang masaya sa iyo? Paano naging masaya ‘yun? Kakain ka ng spaghetti, iinom ng alak, magkakantahan, ano naman ang masaya doon? Pagkatapos nun, ano pang gagawin mo? Inaksaya mo lang ang pera mo para ipamukha sa mga mahihirap na “ito, birthday ko, marami akong handa, masaya kami!” Mas masaya pa nga na makiisa ka sa nararamdaman nila. Mas masarap pa sa pakiramdam na inintindi mo ang kalagayan nila. Kung gano’n, hindi lang ikaw ang masaya, kasama mo sila. Pero sabi nga rin nila, masaya naman talaga ang magpakasaya kaysa isipin mong may problema.

Iba na lang siguro ang ihahanda ko…

Ihahanda ko at paghahandaan ko na lang ang TAGUMPAY NG MAMAMAYAN.

Ikaw, kelan birthday mo?

2 comments:

  1. wow, ang ganda pala nito.

    ReplyDelete
  2. wala kang katulad....... maligayang kaarawan sa iyo! Taas KAMAO sa pinakadakilang araw na ikaw ay isinilang.. Taas kamao ang patuloy mong pagsisilbi sa bayan.... mabuhay ka kasama... Lian

    ReplyDelete

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!