Pages

Friday, June 25, 2010

Ang Pamana ni Gloria

APAT NA ARAW mula ngayon ay makakamtan na ng bayan ang matagal na nitong pinakahihintay na pagbaba ni Arroyo. Nakakahiya na sa mga nalalabing araw ni GMA ay walang pakundangan niyang pinangangalandakan ang mga nagawa nya di-umano sa kanyang termino. Talamak ang mga patalastas, mga infomercials, print ads, atbp na kanyang ipinagawa upang ipagsigawan ang mga bogus na kaunlarang tinupad nya higit pa raw sa kanyang ipinangako. Maraming trabaho, pabahay, edukasyon  at pagkain sa bawat hapagkainan.

At sa puntong ito, nais kong ilahad kung ano nga ba talaga ang pamana ni Gng. Arroyo sa mamamayang Pilipino? Ano nga ba ang kinahinatnan ng bansa sa loob ng siyam na taon n;'yang panunungkulan. At ano nga ba ang totoong kalagayan ng ating ekonomiya sa ilalim ng rehimeng naging kontrobersyal sa loob at labas ng bansa. 


SI JUAN BILANG MANGGAGAWA

Sa simula ng panunungkulan ni GMA, isa sa kanyang mga ipinangako ay ang paglikha ng higit anim hanggang sampung milyong trabaho para sa lahat. Katumbas ng isang milyong trabaho di-umano kada taon. Ngunit hindi ito natupad, bagkus higit pang bumaba ang aktwal na bilang ng Pilipinong walang trabaho.

Pero ayon sa gobyerno, tunay daw na nakamit ng pamahalaang Arroyo ang kanyang target na trabaho para sa bawat Pilipino. Katunuyan pa nga raw n’yan ay ang pagbaba ng unemployment rate ng bansa. Marahil ito ay totoo base na rin sa konserbatibong datos ng gobyerno. Ngunit ano nga ba ang tunay na kalagayan ng mga manggagawa sa bansa?

SA TOTOO LANG… Ang halos 14 milyong trabahong nilikha umano ni Arroyo (higit na mas malaki sa pinangako nyang 6-10 M trabaho) ay bunga lamang ng projection ng gobyerno ayon na rin sa kanyang mga programang inilunsad at walang actual verification sa tunay na naging resulta ng mga programa. Halimbawa ay sa usapin ng pabahay, sa isang bahay raw na layuning ipatayo ng gobyerno ay inaasahang lilikha ito ng trabaho para sa walong (8) manggagawa na gagawa ng nasabing bahay. At sa pagkakataong magtatayo uli ng isa pang bahay, muli ay inaasahan ng gobyerno na lilikha ito ng dagdag na walong (8) trabaho. Ibigsabihin ay sa dalawang bahay na iyon ay inasahan ng gobyerno labing anim (16) na trabaho ang kanilang nalikha kahit pa sa katunayan ay maaaring  parehong tao o manggagawa naman ang gumawa ng dalawang bahay. At isa pa sa napakalaking usapin ay hindi na rin inisip ng gobyerno ang estabilidad ng trabaho nilang nilikha. Ang mga trabahador na gumawa ng bahay ay maaaring wala ng trabaho sa oras na wala ng bahay na itatayo. ITO ANG ISKEMA NG KONTRAKTWALISASYON.
 
Sa panahon ni GMA tumindi ang kontraktwalisasyon na lalong nagpasahol sa kalagayan ng mga manggagawa. Samakatuwid, artipisyal na paglago ng bilang ng trabaho ang nilikha sa panahon ng panunungkulan ni Arroyo.

Sa usapin naman ng datos ng gobyerno ng pagbaba ng bilang ng unemployment rate ng bansa, ito naman ay maipapaliwanag sa manipuladong interpretasyon ng gobyerno sa terminong “unemployed”. Batay kasi sa pamahalaan, hindi nila itinuturing ang mga bagong graduate na wala pang trabaho bilang unemployed. Sila raw ay mga “reserved force”. Hindi rin dito kabilang ang mga taong hindi naman daw naghahanap ng trabaho. At higit sa lahat, hindi raw maituturing na unemployed ang mga taong ilang taon ng walang trabaho dahil naniniwala ang gobyerno na ito ay kasalanan na nila. Nakakatuwa na para lang maipagmalaki ang mga datos na ito ay desperado na nilang pinapalitan ang batayan ng mga termino. Ang ‘di alam ng gobyerno, kahit anong pagkukubli nila sa tunay na kalagayan ng bansa ay hindi nila ito maitatanggi  sa realidad na inirerehistro ng mga tao. Sila mismo ay hindi maloloko ng gobyerno. At sa katunayan, ang bilang ng unemployed sa panunungkulan ni Arroyo ay pumalo sa halos 4 milyon kada taon,  mas malaki ‘di-hamak sa naitala noong panahon ng tatlong nakaraang rehimen: Erap (3.17 million); Ramos (2.58 million); and Cory (2.28 million).

Sa panahon din ng kanyang panunugkulang naitali sa kakarampot na sweldo ang mga manggagawa. Kakarampot na kahit mga batayang pangangailangan ng simpleng pamilya ay hindi na matugunan. Nakakahiya na sa kabila ng pagtatakda ng gobyerno ng mahigit P900 para sa batayang pangangailan ng isang pamilya para mabuhay ng disente ay naitali sa P402 ang sweldo ng mga manggagawa dito sa kamaynilaan. Ibigsabihin, walang planong buhayin ng disente ng mahal nating pangulo ang mamamayang Pilipino. Ito ang patuloy na sumasahol na kalagayan ng manggagawang Pilipino.


SI JUAN BILANG MAGSASAKA


Isa sa mga isyu na mariing naipukol sa rehimeng Arroyo ay ang usapin ng palupa para sa mga katapid nating magsasaka. At muli, bigo ang gobyerno para tugunan ang pangangailangan ng mayorya ng populasyon ng ating bansa. Bigo si Arroyo na ipamahagi sa mga magsasaka ang naglalakihang lupang pinagmamay-arian ng iilang makapangyarihan sa ating bansa. Dagdag pa nito, lalong pinasahol ng rehimeng Arroyo ang kaawa-awang kalagayan ng mga magsasaka sa ating bansa.

Batay sa SONA 2009 technical report ng pamahalaan ay nakapamahagi na umano ang gobyerno ng halos 1.48 milyong ektrya ng mga lupa para sa agri-business mula sa unang sigwa noong taong 2005 hanggang 2009 na sinasabing nakalikha ng kabuuang 2.19 milyong trabaho. Ngunit ang patuloy na pagdami ng bilang ng walang trabaho sa bansa ay s’ya lamang nagpapatunay na ‘di maikukubli ng mga gawa-gawang agri-business sa bansa ang patuloy pa rin ng paglobo ng bilang ng mga walang trabaho. At ang kawalan ng trabaho sa isang bansang may lupaing agrikultural ay s’ya ring nagpapatunay ng kawalan ng tunay na reporma sa lupa na siya sanang tutugon sa mga batayang suliranin ng bansa tulad ng kabuhayan.

SA TOTOO LANG... Ang pagkakaroong ng mga agri-business sa bansa ay walang naging kapakinabangan sa mga magsasaka ng bansa, bagkus lalo lamang itong naging daan para makapangamkam ang mga dayuhan at lokal na mga korporasyon sa bansa at nagdulot pa ng dagdag na kawalan ng trabaho sa mga manggagawang bukid.

Bukod pa rito ay naging biktima din ang mga magsasaka sa ilang korapsyong kinasangkutan ng gobyerno tulad ng fertilizers’ scam atbp. Sa panahon din ni Arroyo lumala ang kaso ng pangangamkam ng lupa at malawakang panloloko sa mga katapid nating magsasaka. Ito ang kalunos lunos na kalagayan ng mga magsasaka ng bansa.


SI JUAN BILANG KABATAAN


Walang kinabukasan. Ito ang kinahaharap na kalagayan ng bawat kabataang Pilipino. Walang de kalidad na edukasyon. Walang karapatan sa edukasyon.

Sa siyam na taong panunugkulan ni Arroyo ay tumindi ang pag-abandona ng gobyerno sa sektor ng edukasyon. Sa bawat taon ay patuloy na lumiit ang badyet na inilalaan dito. Imbes na maging prayoridad ng gobyerno ang edukasyon, tulad ng itinatakda ng ating konstitusyon (Art. XIV, Sec. V, Par. 5) ay mas pinagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pambayad utang panlabas at larangang militar. SA PANAHON N’YA LUMAGANAP ANG MISEDUKASYON.

Sa panahon ni Arroyo lalong nawalan ng malinaw na kinabukasan ang bawat kabataang Pilipino. Dumami ang bilang ng mga ‘di nakakapag-aral at bumaba na ng tuluyan ang kalidad ng edukasyon. Ito ay ibinunga na rin ng kalunos lunos na kalagayan ng sektor ng eduksayon. Ayon sa datos ng Alliance of Concerned Teachers,  kailangan natin ng halos 54 060 dagdag na guro, 61 343 dagdag na silid aralan, 816 291 dagdag na silya, 113,051 patubig at iba pang pasilidad at halos 400 milyong bagong libro. Ito ang mga batayang suliraning hindi tinugunan ng gobyernong Arroyo. Dahil imbes na reslobahin ay nagpalusot lamang ang gobyerno sa pamamagitan ng iba’t ibang iskema. Nandyan ang sistemang “3 shifts” para sa elementarya para tugunan ang usapin ng kakulangan ng mga silid aralan. Nandyan ang pagsisisik sa 1:55 at 1:35 ratio ng guro at estudyante sa hayskul at elementarya (hindi pa yan ang nangyayari sa aktwal). At marami pang ibang desperadong pamamaraan upang itago ang tunay na kalagayan ng bawat kabataan.

SA TOTOO LANG… Tumindi rin ang pagbabawas sa badyet na inilaan para sa edukasyon sa kabila ng tumintinding pangangailangan ng mga pampublikong paaralan sa mas mataas na badyet. Sa datos ng gobyerno, naglalaan lamang ito ng sumatutal 2.7 poryento ng kabuuang kita ng bansa batay sa ating Gross Domestic Product. Maliit kumpara pa rin sa 3.7% sa pamunuan ni Erap; 3.1% sa panahon ni Ramos ; 2.7% naman sa rehimeng Aquino. Sa badyet naman ngayong taon, naglaan ang gobyerno sa bawat estudyante (per capita) ng P2,502 o halos P11 kada araw. Maliit kumpara sa presyo ng isang bala ng m16. At dahil sa ganitong kalagayan, iba pa ang usapin ng matinding kahirapan at kawalan ng trabaho, bumaba sa halos  87.11% ang nag-enrol sa School Year (SY) 2004-05 hanggang sa 85.12% in SY 2008-09.

Sa ngayon, may halos 29 000 kabataang ang hindi na nagpatuloy sa pag-aaral. Sa maagang panahon ay biktima na sila ng malawakang kahirapan ng bansa. Sa maagang panahon ay tinapos na rin ng rehimeng Arroyo ang pag-asa nila para sa mas maaliwalas na bukas. Sila ang kabataang Juan. Walang kinabukasan.


SA TOTOO LANG

Ito ang iba’t ibang mukha ni Juan sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Iba’t iba man ang mukha ay iisa naman ang kanilang kinasapitan – ang malugmok sa lalong kahirapan. Hindi ito maitatago ng mga simpleng propaganda ng pamahalaan. Dahil ito ang mga ‘tunay’ na katotohanan.

Si Arroyo din ang may pinaka-notoryus na record sa paglabag sa karapatang pantao. Sa loob ng siyam na taon ay pumalo na sa libo libo na ang pinatay na mga aktibista at mga kritiko ni Arroyo at halos 300 daan ang kaso ng sapilitang pagkawala kabilang na ang kaso nila Jonas Burgos, Karen EmpeƱo at Sherlyn Cadapan na magpasa hanggang ngayon ay wala pa ring kalunasan. Hindi pa kasama dito ang kaso ng mga pinatay na myembro ng midya na nagbunsod ng pagkakatawag sa atin ng international community bilang isa sa mga pinakamapanganib na bansa para sa mga myembro ng midya. Sa ngayon ay may kabuuang 103 mga myembro ng midya na ang napatay sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Ang lahat ng ito ay mas malala pa sa naitalang rekord ng rehimeng Marcos kung saan deklarado ang Martial Law.

Sa panahon din nya lubhang nagpakasasa ang mga dayuhang kumpanya. Dahil sa liberalisasyon ay nalibre ang naglalakihang dayuhang kumpanya sa pagbabayad ng mga kauukulang buwis. Ang kabuuang kita ng gobyerno mula sa taripa ng mga inaangkat na produkto at serbisyo ay pumalo lamang 2.8% na kabuuang kita at GDP kumpara sa 4.5% noong dekada ‘90.

SA TOTOO LANG… Isa si Gng. Arroyo sa may pinakamalaking ginastos sa pangungutang at katumbas naman nito ay siya rin ang may pinakamaliit na ginastos para sa mga batayang serbisyong panlipunan. Sa katunayan, mula taong 2001 ay umabot sa halos 42.7% ng kabuuang gastos at 67.4% naman ng kabuuan kita ang katumbas ng inutang ng gobyerno. Samantala, wala pa sa kalahati ng interes ng inutang ni GMA (hindi natin ito inutang) ang katumbas ng pinagsama-samang gastos ng gobyerno para sa edukasyon, seguridad, kalusugan, palupa, pabahay.

At sa mga natitirang araw ni Arroyo bilang pangulo ng bansa ay hindi pa rin nya nasasagot ang isyu ng pandaraya sa eleksyon na lalong sumira sa kredibilidad ng eleksyon sa bansa. Bababa na lamang siya ngunit wala pa ring malinaw na kasagutan sa kaso ng pandaraya nya noong taong 2004.

ITO ANG TOTOO. AT ITO AY SA TOTOO LANG. Ito ang kanyang mga pamana. Ngayon ko lang napagtanto, hindi pala lahat ng pamana ay maganda. Minsan ito ay parang bangungot na ipinagdasal mo sanang hindi na lamang sayo ipinamana.

Marahil ay tama si Arroyo sa sinabi n’yang kasaysayan na lamang ang maghuhusga sa kanya. Ngunit tatandaan n'ya na hindi lamang ang kasaysayan ang huhusga sa mga naging kasalanan n'ya ngunit maging ang KINABUKASAN ng mga kabataang tinarantado ng rehimen n'ya!

Sa loob ng siyam na taong pamumuno ni GMA ay grabeng kahirapan ang naranasan ng mamamayang Pilipino. Ang dating naghihirap nang Juan ay inilugmok pa ng isang papet, tuta at pekeng pangulo. Maraming magsasaka ang lalong nawalan ng lupang masasaka. Mas masahol na kalagayan ng mga manggagawa sa loob at labas ng bansa. Mas kalunos-lunos na pakikipagsapalaran ng mga kabataan sa usapin ng papalalang kalagayan ng sektor ng edukasyon. Notoryus na rekord sa paglabag sa karapatang pantao. Kawalan ng serbisyong panlipunan tulad ng serbisyong medikal at mahaba-haba pang listahan ng kasalanan sa bayan.

Ganon pa man, nais kong sabihing salamat at sa wakas...
PAALAM PRESIDENT GLORIA MACAPAGAL- ARROYO.

9 comments:

  1. owww. galing nito. now i understand! pero matalino talaga si Gma kaya napaikot nya tayo. salamat jaime!!!

    continuw writing

    ReplyDelete
  2. ewan ko lang ha .noon pa,wala na ako tiwala gloria,ang liit liit nya,napaka sinungaling,nagrereport sa mga achievements nya,un pla feasibility study lang pla un binabasa nya.hahahahahaha.....

    ReplyDelete
  3. tama lahat ng naging kanyang achievement ay thru feasibility based lamang at walang actual verification pero achievements nya na yun. mawahahaha

    ReplyDelete
  4. tama yan....pag upo nya tsaka nag karoon ng mga pagtataas ng mga presyo ng iba't ibang produkto.. na dati naman mura pa ngayon triple pa.....
    dami pa nagka gyera sa sarili nating bansa...

    ReplyDelete
  5. bwect na yan.dapat tinggel nya oodin.hahahahahaha

    ReplyDelete
  6. napaka-totoo ng akdang ito.. tunay na sumasaklaw sa tunay na kalagayan ng bansa at ng mamamayan.. magandang pantapat sa mga patalastas at pagmamalaki ng demonyong dwende sa mga kasinungalingang achievements nya.. nagpayaman lang ang gago sa loob ng 9 na taon sa pwesto!!!

    ReplyDelete
  7. Salamat. sana magpakilala ka kung sino ka. anyway, post mo lang ito ng ipost..pwede naman eh

    ReplyDelete
  8. sana mas madami pa ang makabasa nito at makaunawa....

    ReplyDelete
  9. siguro may punto kayo malaki ang kasalanan niya sa bansa pero marami naman sigurong nagawang kabutihan?

    ReplyDelete

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!