Pages

Saturday, July 31, 2010

Sanayan lang yan!

ANG KWENTO

Nasa byahe ako papunta sa isang importanteng meeting ng biglang inagaw ng talakayan sa radyo ang aking atensyon. Ang usapan ay tungkol sa LRT/MRT fare hike. Sabi ng caller, wag naman daw itaas ang pasahe sa LRT dahil hindi rin naman daw umuunlad ang serbisyo ng nasabing kumpanya. At ang naging magiliw na sagot ng DJ sa talakayang iyon, ay ganon daw talaga, wala daw tayong magagawa at masasanay din daw tayo. Tumawa lang ang caller, dagdag pa niya, taasan daw ang pasahe kung itataas din ang sahod. At biglang sumabat na naman ang DJ, hirit nya: “ate ano’ng gusto mo, hindi nila tataasan ang pamasahe pero magdadagdag sila sa buwis? (tumawa lang si ate) Ate ganon talaga, hayaan mo, paglipas ng ilang buwan makakalimutan mo din yan. Masasanay din tayo”.

Naisip ko, ganon na talaga ang kalakaran sa bansa noh? Sanayan na lang lahat ng bagay. Nakakalungkot lang na pati mga pang-aabuso sa karapatan mo, pagsasamantala sa’yo, pang-aabuso, kawalan mo ng trabaho, kawalan ng batayang serbisyo ng pamahalaan at kung ano ano pa ay parang nagiging usapin na lang ng “sanayan”. Para ba’ng lahat ay pwede mo na lang ipagkibit balikat at sabihing “masasanay din ako”. Masasanay din tayo sa mga pamamaslang sa mga aktibista, masasanay din tayo sa korapsyon, katiwalian, pang-aabuso sa kapangyarihan, masasanay din tayo sa mababang antas ng edukasyon, kawalan ng lupa ng karamihan ng magsasaka, napakababang sahod ng mga manggagawa, kawalan ng serbisyong medikal…at lahat ng pwede mong pagkasanayan. At isa pang nakakalungkot eh parang tinatangap na ito ng iilan. Gaya ng DJ kanina, siya na mismo ang nagpayo sa caller, “masasanay ka din—tayo!” 

ANG “IMPORMAL” NA REAKSYON SA KWENTO
“Ewan ko sayo Mr. DJ! Itsura mo! Wala kang kwenta!”

Kahit kailan ay hindi masasanay ang tao sa mga kagaguhang ito! Baka ikaw! Palibhasa ‘di mo siguro nararanasan ang hirap ng buhay kaya madaling sabihin sa’yong “hayaan na ito at masasanay din tayo”. Pero sana maisip mo, paano sila na mas marami pa sa bilang ninyo? Sila na nagsasabing hindi nila kaya ang pagtataas. Tama naman ang caller, puro pagtataas sa mga batayang pangangailan ng tao pero ang SAHOD, natali na sa maliit nitong estado.

Tang ina. Simple lang naman ang isyu. Bakit kailangang magtaas ng pasahe ang MRT/LRT? Nalulugi ba? Kung nalulugi ay bakit panay ang expansion nito? At nasa’n na ang katas ng buwis? Ang taas taas ng buwis, sana sa pagkakataong ito ay gamitin naman ang ito para saluhin ang sinasabi nilang “pagkalugi” na dahilan ng “nararapat” na pagtataas. Ok ba ‘yun Mr. DJ?

ANG PANGPAHABA NG KWENTO

Masasanay na lang kami? Tulad ba ito ng pagkasanay namin sa mataas na presyo ng bigas? Na dati ay nasa P20 lang ngayon ay umaabot na sa P50. Na dati ang NFA dahil sa krisis di umano sa bigas ay naging P25. Na kahit wala na ang problema sa bigas ay P25 pa rin ito. Tulad din ba ito ng pagkasanay namin sa mataas na singil sa kuryente? Na dati, halos P500 lang ang binabayaran ng pamilyang kumukonsumo ng 200kwh ay umaabot na ngayon sa halos P3000. Na kahit ang mga bayaring hindi naman dapat namin binabayaran ay idinadagdag sa singilin. Tulad din ba ito ng pagkasanay namin sa tradisyunal na politika? Na wala ng pagkakataong mahalal ang mga walang pera? Na pati ang anak ng dating pangulo at isa sa mga pinakamayaman sa kongreso ay kabilang na sa marginalized. Na wala ng karapatang mahalal ang mga tunay na makabayan. Na ang gobyerno ay para na lamang sa iilan? Tulad din ba ito ng pagkasanay ng tao sa paulit ulit na love story sa soap opera at mga pelikula? Na para bang wala ng ibang paksa kundi pag-ibig. Na dati, tuwing tanghali lang meroong showbiz news program, ngayon mula umaga, tangahali hanggang hating gabi ay may showbiz news program na. Tulad din ba ito ng pagkasanay natin sa katiwalian saan mang ahensya ng bansa? Na lahat ng ating galaw kailangan may lagay. Na lahat pati hustisya ay kailangan pang bayaran. Na lahat pati karapatan ay kailangan mong bayaran. At katulad din ba ito ng pagkasanay ng tao sa kawalan ng lupa, sahod, trabaho at karapatan?

Ito ba ang sinasabi nilang “sanayan lang yan”?

Sabi ni Noynoy, ito na raw ang panahon ng pagbabago. Lahat daw ng ating maling nakasanayan o nakagisnan ay babaguhin nya. Pero bakit ganon? Parang wala namang nag-iba sa nakaraan? Para bang ganon pa rin. Siguro nga napakaaga pa para husgahan ang bagong pamunuan. Kaso nagtataka lang ako, ano ba ang sinasabi nyang pagbabago? Kung sa loob pa lamang ng dalawang linggo ay anim na aktibista na ang pinaslang. Kung sa loob pa lamang ng 3 araw na panunugkulan nya ay nakatikim na agad ang mga magsasaka ng marahas na dispersal. Kung sa wala pa ngang isang buwan nya sa malakanyang ay nariyan na ang pagtataas ng pamasahe. Kung sa kanyang pinaka-unang SONA pa lang niya, hindi na niya pinalapit ang taong bayan. Ito ba ang pagbabago? O baka naman ilusyon lang lahat ng ito?

Ito ba ang sinasabi ng DJ na dapat na lang kasanayan ng mga Pilipino? Mag-isip naman tayo, isipin nyo, kung ganito tayo ngayon paano pa sa mga susunod na araw? Ang Jollibbe nga, naala ko dati noong bata ako ay nasa P30 lang ang B1 (Burger and Fries) pero ngayon ay nasa P58 na. Hindi na tuloy siya affordable. Eh kung ganito ang mangyayari sa mga batayang pangangailangan ng tao? Tulad ng pagkain, tubig, edukasyon atbp. Ngayon pa nga lang, lahat na ng bagay binabayaran mo sa napakataas na presyo. Pati tubig mataas na rin ang presyo. Pati pagbisita mo sa mga tanawin may bayarin. Pati paglalakbay mo, may dapat kang bayaran… Lahat may kabayaran! Wala na kasing pagmamay-ari ang taong bayan, halos lahat na kasi ay ibinenta na at pinagmamay-arian na ng iilan. Ito ang dahilan kung bakit umuusbong ang mga problema sa mga batayang pangangailangan ng tao. PRIBATISASYON! Diyos ko pa! Baka sa mga susunod na henerasyon pati paglakad mo, may bayad na. Pati paghinga mo, babayaran mo pa. Huwag tayong masanay sa kabaluktutan. Dahil ito ay mamanahin ng mga anak natin sa kinabukasan. Matuto tayong lumaban para sa tama. Ngayon pa lang, ipaglaban na natin ang dapat! Huwag na tayong umasang gagawa ang gobyerno ng paraan para baguhin ang mga ito. Tayo na mismo! Tutal tayo naman ang nakakaramdam ng kahirapan. Tayo ang mas may alam.

Sa SONA ni Aquino, sabi nya, pwede na uli tayong mangarap (we can dream again). Ulul. Hindi kami mangangarap. Lalaban kami para matupad ang aming mga pangarap!

KAYA IKAW, MASANAY KA NANG LUMALABAN!

5 comments:

  1. Ito ang kailangang mabago sa kultura nating mga Pilipino. Madali tayong makuntento kasi mababa ang tingin natin sa sarili. We settle for less. "Colonized" mentality talaga

    ReplyDelete
  2. Hindi tayo dapat masanay sa mga bagay na sa tingin natin ay normal na lang na nangyayari. Hanggat nananatiling ganito ang sistema at nananatiling may mga taong walang pakialam hindi makakaroon ng pagbabago.

    ReplyDelete
  3. patuloy tayong maninindigan..
    at hindi mangangarap life is not a fairytale na may dwarfs at may beast....

    sbi nia pananagutin ang mamatay tao neon panagutin nia ang kamag-anak nai sa pagpaslang sa mga magsasaka sa H.L

    ReplyDelete
  4. alam mo ba kung sino yung praning na DJ na nagsabi nun?

    ReplyDelete
  5. Ako ang tingin ko eh si Papa Jack yata yung DJ panis!

    ReplyDelete

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!