Pages

Thursday, October 21, 2010

Pagpupugay sa tagumpay ng Lakbayang Magsasaka para sa Lupa at Hustisya!

Hindi ninyo inalintana ang pagod. Hindi kayo natinag sa ulan at matinding init ng araw. At ni hindi ninyo napansin si bagyong Juan. Hindi rin kayo nagpatali sa pandarahas. Matapos ang sunod-sunod ninyong aktibidad mula sa 100 araw ng kampuhang magsasaka, taas moral pa rin ninyong pinagtagumpayan ang LAKBAYAN PARA SA LUPA AT KATARUNGAN. At para sa tagumpay na ito, pagpupugay sa inyo!

Sa totoo lang masakit pa rin ang binti ko mula sa dalawang araw na lakaran para sa lakbayan. Masakit ang ulo at buong katawan. Marahil ay puyat din pero alam kong wala ito sa mga sakripisyo ng mga magsasakang nagmartsa simula pa noong Ika-18 ng Oktubre mula sa Laguna hanggang dito sa Maynila. Ganon pa man, lahat ng pagod na ito ay nabigyang katwiran ng naging bunga ng aktibidad na ito. Sigurado akong napanginig muli natin sa takot ang gobyerno. At mas lalong sigurado akong tagumpay ang araw na ito para sa libo-libong mamamayang nakiisa at sumuporta sa laban ng mga kapatid nating magsasaka.

Muli ay iginuhit ng mga magsasaka sa kasaysayan ang determinasyon nila para kamtin ang katarungan at lupang matagal na nilang inaasam. Muli ay iginuhit ng taumbayan sa kasaysayan ang pag-aasam nito sa panlipunang pagbabago at ang kagustuhan nitong wasakin na ang daan-taon nang pambubusabos ng isang mala-kolonyal at mala-pyudal na sistemang panlipunan. Ganon pa man, ang kasaysayan ay hindi tigil. Ito ay umuunlad at nagpapatuloy. Sa katunayan, ang mga kasaysayang ito ay magluluwal ng isang makatraungang hinaharap-- isang lipunang makatarungan at pantay-pantay. At ang mga kasaysayang iginuhit ng mamamayan ay magiging ganap na makabuluhan sa araw ng tagumpay. Hindi man natin alam kung kailan ang araw na ito, tiyak naman na ito ay darating. Tiyak ang tagumpay ng mamamayan dahil ito ang sinasabi ng kasaysayan. Tiyak ang pagtatagumpay ng bayan dahil ito ang makatarungan. At tiyak ang tagumpay ng sambayanan dahil titiyakin natin mula ngayon ang ating pagtatagumpay.

At sa araw na ito ay maniningil tayo. Maniningil ang mga magsasaka, mga manggagawa, kababaihan, kabataan at ibang pang sektor ng lipunan sa lahat ng nambusabos sa mamamayan. Kaya ikaw Arroyo, ikaw Aquino at lahat kayo na nanguna sa pagtataksil sa mamamayan ay magbabayad sa araw na ito.

Muli, isang taas kamaong pagpupugay sa mga magsasaka sa buong bansa na nagdaos ng isang pambansa-koordinadong kilos-protesta at lakbayan para sa lupa at katarungan. At tama nga si Tatay Nestor Villanueva, hindi titigil ang mga protestang ito hangga't hindi nakakamtan ng mamamayan ang tunay na pagbabago at kalayaan. 

Hanggang sa muling martsa patungong tagumpay!





LUPA AT HUSTISYA, IPAGLABAN!
CARPER AT SDO, IBASURA!


Mga larawan sa pagtatapos ng Lakbayan: Click here

No comments:

Post a Comment

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!