Pages

Tuesday, October 19, 2010

Statement of akosiliet on the "Statement of President Aquino in response to queries about the budget of State Universities and Colleges"


Nitong mga nakaraan pong linggo, nakarating daw po kay Pangulong Benigno Aquino III ang  ilang mga hinaing at reklamo ukol sa iminungkahing budget para sa State Universities and Colleges (SUC’s) sa taong 2011. Pinakinggan daw po nila ang ating saloobin tungkol dito. Bilang paglilinaw po, narito ang katotohanan, at ang aming (mga kabataan) paninindigan.

Ang inilaang pondo para sa edukasyon ay bahagi di-umano ng isunusulong na zero-based budgeting ng gobyerno na pinaniniwalaan nilang mas nararapat. Ito ang mas nararapat para  sa kanila dahil magbibigay katwiran ito sa mga neo-liberal na polisiya ng gobyerno tulad ng Public-Private Partnership (PPP) na ipinapatupad nila na lalong nagpapahirap sa iba't ibang sektor ng mamamayan.

Sabi po natin, pinababa ng gobyerno ang budget para sa sektor ng edukasyon. Nagtataka daw po si Aquino kung bakit may ganitong reklamo sapagkat malinaw naman daw na tumaas ang budget para dito ng 12.92%. Para sa taong 2011, 271.67 bilyong piso ang inilaang budget para sa edukasyon samantalang ngayong 2010 naman, 240.58 bilyong piso.

Marahil ay nakalimutan ng Pangulo na tumaas ito ng "bahagya" dahil na rin sa Salary Standardization Law 3 na pinirmahan ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ibig sabhin, tumaas ito dahil sa pangangailangang taasan ang sahod ng mga kaguruan pero kung tutuusin ay wala namang pagtaas na naganap para sa maintenance and other operating expenditures at capital outlay. Sinabi rin daw po nating mas mababa ang pondo para sa SUC’s sa susunod na taon at hindi naman  daw po ito totoo. Ito ang nakakapagtaka dahil mismong sa pahayag ni Aquino ay sinabi niyang ang mungkahing budget para sa SUC’s sa 2011 ay 23.4 bilyong piso. Ibig sabihin ay hindi totoo na mas mataas ng 11.3 porsyento ang budget para sa taong ito na umabaot sa 23.845 bilyong piso. Saan niya kaya nakuha ang ideyang ito?

Reklamo daw ng iba, dapat raw ay mas mataas ito. Sabi naman daw ng ilan, hindi raw  binibigyang-halaga ng gobyerno ang edukasyon. Sagot naman ni Aquino sa atin, huwag sana nating kalimutan na hindi lang tertiary level ang binibigyang-pansin kapag edukasyon ang pinag-uusapan. Kasama daw dito ang CHED, at kasama rin ang DepEd. Alam naman natin iyon. Hindi naman tayo tanga para hindi iyon malaman. At kung susuriin lang daw po sana ng mga bumabatikos sa kanila kung gaano kalaki ang itinaas ng budget ng DepEd, siguro po malalaman din natin na hindi po nila pinapabayaan ang edukasyon. Ang tanong gaano nga ba ang inilaki nito? Maipagpapamalaki nga ba ang "paglaki ng badyet" na tinutukoy nila lalo na ngayong may ipinapanukala pa silang dagdagan ng dalawang taon ang basic education. Sabi pa ni Aquino, mas tinututukan lang nila ang higit na nangangailangan ng tulong. Ang basic education daw po ay dapat libre para sa lahat, kaya malaki ang budget na idinagdag nila sa DepEd. At sa pamamagitan nito, masisiguro na daw pong mabibigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na makapag-aral. Ito ay isa pa ring kasinungalingan. Ibabalik ko ang sinabi ko sa nakaraan nating pahayag sa pagpupugay sa mga tunay na iskolar ng bayan.

Ipinagmamalaki mo ba ang P31.1 B increase sa edukasyon? Hindi ka ba nanginginig niyan?  Hindi ka ba natatakot na makidlatan dahil sa ipinagmamalaki mong iyan? Subukan mong hatiin yan sa milyon-milyong kabataan. Subukan mong kompyutin o tuusin yan at sabihin mo sa amin kung mapupunan na ba niyan ang 4 060 dagdag na guro, 61 343 dagdag na silid aralan, 816 291 dagdag na silya, 113,051 patubig at iba pang pasilidad at halos 400 milyong bagong libro. Josko naman! Ano ba iyan! Tatandan mo, ang mga ipinagmamalaki ay yung tunay na malaki at lumaki! Hindi yung naungusan mo lang ng kaunti yung iba ay nagmalaki ka na.  Tama nga ang sinabi ni Charrise Banes ng Anakbayan--baliw ka nga!
Inamin naman po ni Aquino na bumaba nang "kaunti" ang budget ng Unibersidad ng Pilipinas, mula sa nakalaang 6.9 billion noong 2010 hanggang sa mungkahi nating 5.5 billion para sa 2011.  Nangyari lamang daw po ito sapagkat malinaw sa kanila na may paraan na ang UP para dagdagan ang sarili nilang pondo. Kumikita na daw po ang UP-Ayala Technohub, dagdag pa sa kita ng  pamantasan mula sa tuition ng mga estudyante, at sa suportang ibinibigay ng estado. Ito na nga ba ang sinasabi ko at ng mga kabataan. Tulad ng mga polisiya ni Arroyo sa mga SUC’s na nakasaad sa kanyang Medium Term Development Plan for Higher Education, itinutulak rin ni  Aquino ang pagbabawas ng subsidiya sa SUC’s upang pilitin ang mga ito na lumikom ng sarili nitong pondo sa pamamagitan ng pagtataas ng matrikula at pagpapatupad  ng mga income generating projects tulad ng pagbebenta o pagpapa-upa sa mga lupain at pasilidad. At pinaninindigan nga naman ni Aquino ang balak ng kanyang gobyerno  to “gradually reduce the subsidy of SUCs to push them toward becoming self-sufficient and financially independent, given their ability to raise their income.” Ano nga ba ang tungkulin ng gobyerno sa kabataan?

Sa kabilang banda naman daw po, marami pa raw pong mga SUC na nangangailangan ng kaukulang atensyon. Sa kanila daw po itututok ng gobyerno ang pondong dati’y nakatuon lamang sa UP. Sabi pa niya, gamit ang kanyang mababangong pananalita, "ang makakalangoy po ay inaasahan nating makararating sa pampang; abutan naman natin ng salbabida ang mga maaari pang malunod."

Lilinawin ko lang po: ang pagpapabuti sa kalidad ng edukasyon ay hindi prayoridad ng ating gobyerno. Sa kanila pong Reform Budget, tinitiyak nilang magpapakasasa pa ang mga dayuhan at mga kapitalista sa mamamayan. At ito ay hindi para siguraduhin na mapopondohan ang dapat na pondohan tulad ng serbisyo-soyal kabilang ang edukasyon at serbisyong medikal. Gaya na rin ng sinasabi sa batas, ang SUC’s po, ayon sa Higher Education Modernization Act of 1997, ay pinahihintulutan na gastusin ang kanilang kinikita mula sa matrikula at iba pang bayarin ng kanilang mga estudyante. Kaya naman po hinihikayat daw po ni Aquino na gugulin ito para sa  mga programang pang-akademiko. Nandyan naman daw po ang gobyerno upang alalayan tayo. Pero sa totoo, ang HEMA para sa mga kabataan ay nagbunga lamang ng sistematikong pag-aabandona ng gobyerno sa tungkulin nito sa sektor ng edukasyon. At gaya ng mga nagdaang taon, dahil sa polisyang nakapailalim dito, maraming unibersidad ang nagsipagtaasan ang mga matrikula na nagresulta ng lalong pagtaas ng bilang ng mga 'di na nakakapagtapos sa kolehiyo na mga kabataan.

Nirerespeto ko po ang opinyon ng ating Pangulo sa usaping ito pero maninidigan akong manawagan para sa mas mataas na badyet sa edukasyon.  Natutuwa din ako sa pag-angat ng antas ng diskurso ukol dito. Panawagan ko lamang po sa gobyerno, ang sinserong pakikinig  at pagbubukas ng isip sa lahat ng panig. Maraming salamat po.


P.S.,
Ginaya ko lang ang statement ni Aquino. Ibinalik ko sa kanila ang mga punto nila. Walang kulang. Walang labis. Basahin nyo yung original statement nila, ganyang-ganyan din ang phasing. Apir!

Statement of President Aquino in Response to Queries About the Budget of State Universities and Colleges

2 comments:

  1. gusto ni Aquino na ma-commercialize ang edukasyon. unti-unti yata itong naisasakatuparan sa pagbabawas ng budget para sa edukasyon. nakakalungkot, darating ang panahon baka wala ng mag- aral dahil sa sobrang mahal na edukasyon at mababang kalidad pa.

    ReplyDelete
  2. Galing ng pagkakagawa parang si Noynoy din ang nagsasalita gayang-gayan.

    Ang lupet talaga ng blogger na ito.Idol na kita. pwamis.

    Galng ng mga inputs mo sa mga relevant issues lalo na yung sa ABS-CBN, Sex Educ at the bst yung PAMANA ni GMA! Wapak!

    ReplyDelete

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!