Pages

Wednesday, November 10, 2010

Mga drayber ng kuliglig at pedicab nagkaisa laban sa phase-out


Naglunsad ng isang press conference kasama si Bayan Muna representative Neri Javier Colmenares ngayong araw sa Quiapo, Maynila ang mga drayber ng kuliglig at pedicab para tutulan ang planong phase-out sa kanila sa syudad.

Nanguna sa conference ang mga representante ng mga drayber sa iba’t ibang distrito sa Maynila na sina Ben Casinga ng Ika-limang distrito, Fernando Picarro ng Ika-apat na distrito, Vandolph Lacsina ng Ikatlong distrito at si Jeffrey Olidan ng ikalawang distrito.

Ayon kay Fernando Picorro, isang kuliglig drayber at tagapagsalita ng Alyansa ng Nagkakaisang Pedicab at Kuliglig Draybers- Manila o ALNAPEDKU-Manila, libo-libong drayber at pamilya nila ang mawawalan ng kabuhayan kung sakaling matuloy ang Executive Order no. 16 ni Manila Mayor Alfredo Lim na nagbabawal ng paggamit ng mga kuliglig sa mga kalsada ng Kamaynilaan simula  Disyembre sa taong ito.

Dagdag pa ni Picorro, nanatili di-umanong alternatibo at murang moda ng transportasyon sa Maynila ang pedicab at kuliglig kaya hindi makatwiran na ipagbawal ito.

Kinondena rin ng mga drayber ang di-akmang panahon ng pagpapatupad ng nasabing kautusan. Ayon sa kanila, hindi makatao na sa nalalapit na kapaskuhan ay aalisan sila ng kabuhayan.

“Magpapasko, ito ba ang ireregalo nyo sa amin? Luha at paghihirap? Magpapasko pero tatanggalan nyo kami ng kabuhayan," giit  ni Lacsina.

Kuliglig
Ayon naman kay Colmenares, hindi makatarungan ang planong ito sa mga mamamayan ng Maynila. Giit ng mambabatas, hindi ang mga kuliglig o pedicab ang pangunahing dahilan ng labis na pagbigat ng trapiko sa mga kalsada ng Maynila bagkus ay ang kawalan ng plano at maayos na sistema ng gobyerno para dito. Ang pagbabawal di-umano sa mga kuliglig ay hindi tutugon sa problema ng trapiko sa syudad. 

“[Ang] lahat naman ng sasakyan [ay] nagko-contribute sa traffic. Bakit yung mga private ba na kotse hindi nakakadulot ng traffic? Bakit yung mga malalaking truck hindi ba yun nakakadulot--yung mga dyip,  mga bus. Bakit kuliglig lang? Dahil tingin nila ay maliliit na [tao] kayo at hindi ninyo kayang lumaban?” ani pa ni Colmenares.

Dagdag pa nito, sa kabila ng kalagayang wala namang naibibigay na maayos na kabuhayan at wala ring naiaalok na murang transportasyon ang gobyerno ay ito pa di-umano ang gagawin ng pamahalaan sa mga taong disenteng naghahanap-buhay.

"Sa gitna ng krisis. Sa gitna ng kahirapan ng buhay. Sa gitna ng pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Kayo na disenteng namumuhay [ay] tatanggalan ng hanap-buhay," ani Colmenares sa mga drayber.

Bagamat walang magagawa ang kongreso para mapigil ang kauutusan pagkat ito ay lokal na usapin ng syudad ay malaki di-umano ang magagawa ng pagkakaisa ng mga drayber at mga tagasuporta para pagtagumpayan ang laban hinggil dito, ayon kay Colmenares.

Labis namang ikinatuwa ng mga drayber ang pagdagsa ng mga suporta para sa kanilang laban.

“Hindi kami titigil hanggat hindi namin ito napapagtagumpayan. Hindi kami titigil sa paglaban sa pagkat ito ay usapin ng aming kabuhayan. Kung gayon, hindi kami titigil para igiit ang aming kabuhayan maging buhay man namin ang ialay,’ giit ni Lacsina.

Sa pagtatapos ng press conference ay sabay-sabay na pinunit ng mga drayber ang papel kung saan ay nakalimbag ang EO no. 16 bilang simbolo ng kanilang labis na pagkundena dito kasabay ang pagsigaw ng kanilang panawagang tutulan at huwag pahintulutan ang anti-mamayang kautusang ito.

Sa Lunes ay magdaraos naman sila ng isang malakihang kilos-protesta kaugnay pa rin ng usapin sa pag-phase out sa kanila.

No comments:

Post a Comment

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!