Pages

Wednesday, November 17, 2010

Welga kami laban sa budget cut!


WELGA! Ito na nga siguro ang pinakanararapat na gawin sa panahon na garapalang ipinagkakait sa mamamayan ang kanilang mga demokratikong karapatan. Dahil kahit kailan, wala namang napagtagumpayan sa isang "magandang usapan". Yung tipong makipagdiyalogo daw ng maayos at huwag maging radikal.

Naalala ko tuloy ang argumento noong panahong may nakaambang tuitiong fee increase sa PUP kung saan  ay umabot na sa pagsusunog ng mga kagamitan sa pamantasan ang mga estudyante para ipakita ang kanilang pagkundena sa planong TFI. Marami ang bumatikos sa di-umanoy "barbariko at bayolenteng akto" ng mga estudyante hinggil sa isyu.  Sa totoo lang, marami ang nagpalunod sa ganong argumento at nawalan na ng panahon para ugatin ang isyu at sino nga ba ang tunay na salarin at sino ang tunay na mas makatwiran.

At dahil sa halos hindi na natapos ang isyu sa mga nagliliparang upuan at nagliliyabang mga kagamitan sa PUP, naglabas na rin ako noong panahong iyon ng isang artikulong sumasagot sa mga subhetibong pananaw ng ilan. Sabi ko:
"Kami pa ba ang nagiging marahas? Kami pa ba ang mga bayolente? At kami pa ba ang may di-akmang aksyon? Hindi ba’t mas marahas na sa isang bansang tulad natin ay ipinagkakait sa iyo ang karapatan mo para sa mura at kalidad na edukasyon? Hindi ba’t mas bayolente na patayin mo ang pag-asa ng bawat kabataan para makapagtapos at magkaroon ng magandang kinabukasan dahil sa pag-aabondona ng gobyerno sa sektor ng edukasyon? At hindi ba’t mas di-akma na ipinapapasan mo sa mga estudyante ang bayaring dapat ay responsibilidad ng gobyerno sa pamamagitan ng garapalang pagtataas ng matrikula? Hindi ba’t mas marahas, mas bayolente at mas di-akma na imbes na dinggin mo ang hinaing ng mga kabataang ito ay patuloy ka sa pagbibingi-bingihan at pagpapatuta sa isang gobyernong kailanman ay hindi nagbigay pagpapahalaga sa mga kabataan!"

Sa ngayon, ay dumarami na ang nakikiisa sa pagkundena sa pagbabawas ni Aquino sa badyet para sa mga pampublikong pamantasan habang nanatili sa pinakamataas na prayoridad ang utang panlabas at ang militar. Ang nakakalungkot nga lang ay sa kabila ng pag-ani ng mga kabataan ng suporta mula sa iba't ibang sektor ay nagbibingi-bingihan pa rin ang gobyerno. Kaya sa ganitong kalagayan, umasa kayo na titindi pa ang galit ng mga estudyante at kabataan dahil sa pagpapatuloy ni Aquino sa pagwawalang-hiya sa mga kabataan. Kaya bukas, sa makalawa, sa susunod na mga linggo at  sa mga darating pang buwan ay asahan natin ang iba't ibang uri ng kilos-protesta para ipinawagan ang mas mataas na badyet sa edukasyon  at ipaalala sa ating gobyerno na ang edukasyon ay karapatan kaya dapat namin itong ipaglaban.

Dahil muli, hindi namin kahit kailan itataya o isusugal ang kinabukasan ng mga kabataan sa isang 'mapayapang-usapan' kasama ang mga taong wala namang kredibilidad sa pagtupad ng kanilang mga binibitawang salita at mga pangako.

Kaya ang dapat gawin: Kabataan at mamamayan, halina't lumahok sa welgang bayan para sa edukasyon! 

WELGA! WELGA! WELGA KAMI!

1 comment:

  1. isang matapang at makabuluhang pananaw mr.liit.. apir!

    ReplyDelete

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!