Pages

Friday, January 21, 2011

Para sa mga kasamang nangahas sa unang pagkakataon

Kuha ni Anto Balleta

Hindi ito pangkaraniwan. Wala ako sa inyong mga practice. Hindi ko rin napanood ang inyong unang pagtatanghal. At wala rin akong mga larawan ninyo. 

Wala akong ibang nagawa kundi makibalita sa pamamagitan ng facebook, text o pagtatanong sa ibang mga kasamang nakapanood sa inyong pagtatanghal. Sabi nila, ayos naman daw, maganda. Kwento rin sa akin ng kasama ninyo sa pagtatanghal, ayon sa feedback ng mga nakapanood ay maganda at maayos naman daw kaya nga lang ay may ilang flaws.

Natutuwa ako. Natutuwa ako dahil natupad na ang inyong pangarap sa unang pagkakataon na makapagtanghal bilang mga artista ng bayan. Natutuwa ako dahil ano pa man ang kinalabasan ng inyong pagtatanghal ay nakita ko ang inyong pagkagalak dahil alam ninyo kung kanino ninyo ito inaalay.

Naisip ko tuloy, ang simple lang pala ng mga pangarap natin. Halimbawa kayo, pangarap ninyong makapagtanghal sa mga kilos-protesta. Pangarap ninyong mapanood kayo ng mga tao habang itinatanghal ang kanilang kalagayan. Hindi ito tulad ng mga pangarap ng ilang kabataan na makapagtanghal sa pinakasikat na TV Program sa loob at labas ng bansa. Hindi ito tulad ng mga pangarap ng pangkaraniwang kabataan na makapagtanghal hindi para ilahad ang kalagayan ng mga inaapi ngunit sa ngalan ng pera. Hindi ito tulad ng pangarap ng mga bata sa “Goin’ Bulilit’ na sa maagang panahon ay nagtatrabaho na para sa kasikatan at kayaman. Kayo, simple lang ngunit makatwiran ang inyong pangarap. Makapagtanghal sa mga kilos-protesta, magustuhan ng mga manonood ang inyong gawa, mailahad at maipaintindi pa sa nakakarami ang kalagayan ng mga inaapi. Simple lang.


Natutuwa ako. Natutuwa ako dahil alam kong nagtanghal kayo na alam kung para kanino ito—na alam ninyong ito ay para sa masa. Sabi nga ng isa sa mga kasama ninyong nagtanghal, iba talaga ang pakiramdam, iba ang saya, iba ang galit kapag ang ginagawa mo ay para sa masa.

Sana ay marami pang pagtatanghal ang sumunod. At kagaya ng inyong mga simpleng pangarap, sana sa mga susunod na panahon ay hindi na ang aping kalagayan ng masa ang inyong tinatanghal ngunit, sa bawat paggalaw ng inyong mga kamay, sa bawat awit at musikang inyong sinasambit ay tagumpay na ng sambayanan ang inyong isinasalarawan.

Lagi ninyong tatandaan, walang ibang pinakamagandang direksyon kundi ang pasulong. At kayo bilang mga kabataang organisador, pinakamataas na pagpupugay para sa mapangahas na unang pagkakataon. Saludo ako sa inyong pagsulong. Saludo ako na habang umuunlad kayo bilang mga kabataang aktibista, pinapauunlad din ninyo ang inyong mga talento para sa bayan. Saludo ako sa galing ninyo. Dahil ang kagalingan ng bawat pagtatanghal ay hindi masusukat sa kawalan ng kamalian o pagiging perpekto nito, masusukat ang kagalingan ng bawat pagtatanghal sa kung kanino ninyo ito inaalay at kung sino ang pinaglilingkuran nito.





Para kay Ben, Don Don, Mimet, Momoy, Jesi, Trixie, Harold, Ret, Liezl, Sarah, Maye, Karen at sa inyong unang pagkakataong magtanghal sa entablado ng bayan,  isang pinakamataas na pagpupugay sa inyo mga bagong artista ng bayan at sa lahat ng manggagawang pangkultura ng bayan!

No comments:

Post a Comment

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!