Pages

Monday, January 31, 2011

Mensahe ng isang ama sa kanyang 'tibak' na anak

"Wala akong problema sa ginagawa mo, yan ang prinsipyo mo at nirerespeto ko yan. Nais ko lang sabihin na nag-aalala kami na mga magulang mo. Pero yan ang gusto mo, yan ang pinili mong buhay at maniwala ka man o hindi, nirerespeto namin yan ng mama mo. Sa ilang taong pinanindigan mong aktibista ka, marami ka namang napatunayan sa amin. Tatandaan mo, saludo kami sa iyo anak. Hindi ko nais pang pigilan ka kasi nakikita kong dyan ka masaya. Hinihiling ko lang na isipin mo din ang sarili mo. Basta anak, saludo ako sa iyo, saludo kami sa iyo."

Maaring hindi naiitindihan ng iba kung ano ang kahalagahan ng mensaheng ito para sa akin. At minarapat ko itong ilathatla para sa mga dati kong kasama na alam kong malaki ang hinaharap na tunggalian sa pamilya. Sana ay makakuha kayo ng aral sa mga ito. Muli, ito ay para kay Don Don, Ret Ret, Jesi, Mimet, Momoy, Rix, Dick, Clyejon, Sara, Liezl, Ben, Trixie, Harold, JM,  Roman, Mark, Arvin, Mary Grace, Jujo, Venus, Tala, Dianne, Ron at sa iba pa.

Ito ang huling mensahe sa akin ni Papa kagabi bago siya umalis pabalik ng ibang bansa para magtrabaho. Bilang anak at aktbista, ito na yata ang pinakamagandang masabi sa iyo ng magulang mo--ang sabihin nilang saludo sila sa ginagawa mo at nirerespeto nila kung ano ang pinaninidigan mo. Bagamat alam kong hindi pa rin nila ganon katanggap ang mga ginagawa ko dahil base na rin sa sinabi ni papa ay nag-aalala sila para sa kinabukasan ko at para sa kaligtasan ko, masaya na akong marinig ko sa kanila ang mga ganon.

Itinext ko agad ang linyang ito sa ilang tao, sabi ni Don Don, sana raw ay ganito rin ang mga magulang niya sa kanya. Hindi ko masisi si Don Don pagkat alam ko kung paano siya itrato ng magulang niya lalo na't tungkol sa pagkilos niya. At hindi ko rin masisi si Don Don dahil alam ko kung paano niya ginustong maintindihan ng mga magulang niya kung ano siya. Mabilis ang aking naging tugon, sabi ko, nasa kung paano ka nagpopropaganda o kung paano mo pinapaintindi sa mga magulang mo ang mga ginagawa mo-- dun ka nila maiintindihan balang araw, basta maiintindihan ka nila. Sa totoo lang, hindi ko inaasahang ganito ang magiging huling mensahe sa akin ni Papa. Marami siyang sinabi. Marami siyang binanggit na mga bagay na hinahangaan niya sa akin. Naisip ko marahil nga at bunga ito ng walang katapusan kong pakikipagtunggali sa kanila.


Saludo ako sa kapayakan ng buhay na gusto mong tahakin...

Natatandaan pa raw ni Papa kung paano ko sinabi sa kanila noong panahong tinatanong nila ako kung paano ang kinabukasan ko dahil sa ginagawa ko. Hinahangaan raw ni Papa kung paano ko sinabing, totoong hinangad ko noon ang yumaman pero naintindihan ko na ngayong hindi yun ang pinakamaganda mong gawin sa iyong buhay. Natatandaan pa raw ni Papa kung paano ko sinabing, hindi na ako magiging masaya kung sakaling yumaman ako habang napakarami ang naghihirap. Nagugulat raw siya dahil hindi yun ang pagkakakilala niya sa akin. Malaki na raw ang pinagbago at binago na nga raw ako ng prinsipyo ko. Ibang-iba. Ngunit dahil daw sa mga sinabi kong yun ay lalo nilang napatunayang maayos nga nila akong napalaki. Mas lalo daw silang nagkaroon ng dahilang lumakad ng taas noo saan man magpunta dahil alam nilang mabubuti at walang kasing buti ang anak nila.


Bilib ako sa iyo anak. Nakita kong dyan ka masaya. Mag-iingat ka lang palagi. At kung dyan ka masaya, susuportahan kita.

Hindi ako umiyak sa harapan ni Papa habang sinasabi niya sa akin ito. Ayokong pabaunan pa siya ng sama ng loob. Sapat na sa aking tiisin ang sakit na nararamdaman ko dahil sa pagpipigil kong tumulo nang tuluyan ang aking luha.

Para sa aking ama na isinakripisyo ang buhay na kasama kami para piliting bigyan kami ng magandang buhay, nagpapasalamat ako ng sobra dahil kahit alam kong sobra-sobra na ang sama ng loob na ibinigay ko sa inyo ay pag-intindi pa rin ang isinusukli ninyo sa akin. Para sa aking ama na talagang iginapang ang aming pamumuhay para lamang maiparanas sa amin kung paano ang mabuhay ng may sariling bahay, nagpapasalamat ako dahil sa kabila ng lahat ng sama ng loob na idinulot ng aking piniling buhay, wala ka pa ring ibang itunugon kundi ang pagsuporta. Sa huli, aasahan ko ang mga sinabi mo, Papa. 

Alam kong darating ang panahong maiintindihan nyo na rin ako ng lubos. Maniwala kayo, para sa akin, sa inyo ang ginagawa ko dahil parte kayo ng pinaglilingkuran ko. Bagamat nakita ninyo kung paano dumilim ang kulay ko dahil sa kabibilad sa araw; bagamat nakikita ninyo kung paano nanghihina ang aking katawan sa sobrang pagod sa araw-araw na gawin; at bagamat nakikita ninyo kung paano ko isinasakripisyo ang komportableng buhay kasama kayo, nais ko lang sabihing, masaya ako. At sapat na sana ang rason na yun para maging masaya na rin kayo para sa akin.

Salamat sa pagmamahal at pag-unawa. Kung paano ninyo ako itinuturing na pinakamabuting anak, ganon ko din kayo itinuturing na pinakamabuting mga magulang. Mahal ko kayo. Kaya ito ang pinili kong buhay. Kung bakit ako nagpapakahusay, dahil mahal na mahal ko kayo.

Ingat, pa! Hanggang sa muling pagkikita.

Ito ang sulat ng bunso kong kapatid para kay Papa na inabot niya bago ito umalis.

6 comments:

  1. biglang nagbalik ala-ala ang mga naganap sa aming bahay noong isang linggo. nakakaiyak.

    ReplyDelete
  2. Alam mo nmn cguro na isa ka sa mga kaibigang tlga nmng hinahangaan ko. Hindi lng dhil s katapangan at prinsipyo mo kundi dahil n din s pagmamahal mo s kapwa at s bayan. Bilang isang kaibigan, nais kong sabihing SALUDO din ako sau Jaime! :) God Bless You and Your Good Will!

    ReplyDelete
  3. totoo, maswerte ka at isa ka sa mga aktibistang madaling naunawaan ng mga magulang sa desisyong maging tibak (kumpara sa akin, at sa marami pang ibang tibak), kumabaga may "one check!" ka na sa listahan ng mga internal struggle sa pagtitibak..at sana'y gamitin mo pa itong inspirasyon at pagpapalakas ng paninindigang magsilbi sa bayan.

    (..o yan,patol ako sa drama mo ha!)

    o sya padayon!

    ReplyDelete
  4. nakakaiyak naman to.sana maging katulad ng magulang mo ang mga magulang ko..
    sana maunawaan din nila ako..
    kasi ang totoo
    pagod na rin ako na magpaliwanag pa sa kanila
    ito ang pinakamalaking suliranin na
    kinakaharap ko bilang isang aktibista..
    at syempre hindi pa rin ako susuko..
    hindi sila ang magiging hadlang sa hangarin kong
    lumaya ang sambayanan..
    para rin sa kanila to..
    Salamat dito kuya Jaime..
    ang galing mo talaga..hehe

    ReplyDelete
  5. Nakakatuwa at naiintindihan ng papa mo ang pinili mong desisyon. Sana katulad din ng papa mo ang mga magulang ko. Marahil kulang pa ako sa pag-propropaganda sa kanila pero sana maintindihan din nila ang mga prinsipyo't paninindigang pinaglalaban natin.

    ReplyDelete
  6. "Mahal ko kayo. Kaya ito ang pinili kong buhay. Kung bakit ako nagpapakahusay, dahil mahal na mahal ko kayo."

    namiss ko naman ang papa ko dahil sa blog post na 'to.

    ipagpatuloy mo ang sa tingin mong dapat mong gawin, jaime. bilang isang kaibigan, lagi lang akong nasa likod mo. para sa'kin, ikaw ang pinaka-cool na aktibistang nakilala ko. magkakaiba man tayo ng prinsipyo sa buhay, lubos ang suporta ko sa numang ipinaglalaban mo dahil alam kong parte kami nun. i will always be one of those people who are proud of you. mag-iingat ka lang lagi. :)

    ReplyDelete

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!