Popular Posts

Wednesday, October 3, 2012

Balita: Rep. Teddy Casiño naghain na ng kandidatura sa pagkasenador


Larawan kuha niTine Sabillo
Hindi napigil ng walang humpay na pagbuhos ng ulan si Bayan Muna Rep. Teddy Casiño upang ituloy ang paghahain ng kandidatura sa pagkasenador. Sa gitna ng malakas na buhos ng ulan, simbolikong tumakbo si Casiño at mga tagasuporta nito mula sa simbahan ng San Agustin patungong Comelec.

"Makabuluhan po ang ating pagtakbo dahil ipinakita po natin na ang labang ito ay hindi lamang kailangang pagpawisan at paghirapan kundi ang labang ito ay laban ng sambayanang Pilino at hindi lang ng iisang tao,' ani Casiño.

Sinamahan ng iba't ibang grupo si Casiño sa kanyang literal na pagtakbo. Ilan sa mga grupong ipinakita ang kanilang suporta sa paghahain ng kandidatura ni Casiño ay ang Bayan Muna partylist, Gabriela Women's party, Anakpawis partylist, Kabataan partylist, Akap-Bata partylist, Piston partylist, Courage partylist, Kalikasan partylist, Migrante partylist, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Kilusang Mayo uno at iba pa.

Pabirong binigkas ng kongresista na tanging sya lamang marahil ang nag-file ng kandidatura na basang-basa at naka-short. Sa kabila nito, seryoso at malinaw umano ang plataporma niya na kumakatawan sa ordinaryong mga mamamayan.

"Ito na po talaga. Wala nang atrasan. Ang masisiguro ko po lamang ay ibubuhos natin ang lahat upang manalo tayo at magkaroon ng boses ang karaniwang tao sa loob ng Senado," sabi ni Casiño, sa harap ng kanyang mga tagasuporta.

“Iba Naman!” ito ang tema ng kandidatura ni Casiño bilang pagtugon sa kahilingan ng nakararami.

“Ang tanong ng marami, wala na bang iba? Kaya nga po ako nangangahas na tumakbong senador ay para may iba naman. For so many decades, the same old political clans and vested interests have dominated the Senate”, ayon kay Casiño.

Dagdag pa ni Casiño, nararapat  bigyan ng ibang pagpipilian ang mamamayan sa darating na eleksyon mula sa nakasanayang ng mga kandidato.

Si Casiño ay tatakbo sa ilalim ng Koalisyong Makabayan ng Mamamayan (Makabayan).