Popular Posts

Sunday, August 8, 2010

Sangguniang Kabataan

Ano ang Sangguniang Kabataan (SK)?

Ang Sangguniang Kabataan (SK) ay halal na kinatawan ng mga kabataan sa bawat barangay sa buong bansa. Sa bawat barangay ay may organisasyong tinatawag na Katipunan ng Kabataan (KK), mga kabataan na edad 15-17, na siyang naghahalal ng SK chairman at mga kagawad.

Nilikha ang SK sa layunin na bigyang boses at kapangyarihan ang kabataan sa usaping pampamahalaan at panlipunan. Ang SK ay may mandatong maging kinatawan ng kabataan at maglunsad ng mga programa para sa kabataan sa barangay at sa lokal na pamahalaan.


Ang SK chairman sa bawat barangay ay umuupo bilang kagawad ng barangay. Sampung porsyento ng pondo ng barangay ay inilalaan sa SK para sa mga proyektong nito para sa kalikasan, edukasyon at training sa mga kabataan, paglaban sa droga, at iba pa.

Ang mga SK chairman ay bahagi din ng SK federation sa munisipalidad, siyudad o prubinsya. Ang ihahalal na pangulo ng SK federation ay umuupo naman bilang konsehal ng nasabing munisipalidad, siyudad o prubinsya. Ipinapatawag din ang SK national congress na siya namang naghahalal ng SK national federation officers.

Sino-sino ang maaaring maging bahagi ng SK? Paano sila inihahalal?


Sinumang kabataang Pilipino na edad 15 -17, na nakatira nang mahigit anim na buwan sa barangay na nais niyang pagpaparehistrohan ay maaaring magparehistro bilang kasapi ng KK, na siyang maghahalal naman sa SK. Inihahalal sa eleksyong kasabay ng barangay elections ang isang SK chairman at pitong SK kagawad.

Bakit dapat ireporma at palakasin ang SK?

Bagaman maganda ang layunin ng pagkakaroon ng kinatawan ang mga kabataan sa lokal na pamahalaan, binatbat ng samu’t saring kontrobersya ang SK bilang isang institusyon. Nariyan ang alegasyon ng korupsyon (vote-buying, pagkuha ng kickback sa mga proyekto at programa ng SK, pakikipagsabwatan sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno) at di-episyenteng pamamahala. Ang mga ito ang nagtulak sa ilang organisasyon at mambabatas na maghain ng mga panukalang batas na may layuning buwagin na ang SK.
 
Sa kabila nito, hindi dapat alisin ang mga lunsaran para sa mga kabataan na makilahok sa paggugubyerno at paglilingkod sa kapwa-kabataan. Sa halip na tanggalin ang representasyon ng mga kabataan sa mga barangay, mas nararapat na ireporma at palakasin ang SK bilang institusyon. Sa pamamagitan nito, maibabalik ang tiwala ng mamamayan sa SK bilang tunay na kinatawan na magsusulong ng interes, karapatan at kapakanan ng kabataang Pilipino.

Inihapag na ng Kabataan Partylist sa Mababang Kapulungan ang House Bill 1963 o ang “Sangguniang Kabataan Reform Act of 2010”. Hangarin nitong amyendahan ang Republic Act no. 7160 na kasalukuyang nagtatakda ng kapangyarihan at responsibilidad ng SK. Sa partikular, layunin ng panukalang batas na:

    * Baguhin ang age requirement para sa mga SK candidate. Mula 15-18 taong gulang, sinumang nagnanais maging kabahagi ng SK ay dapat may edad na 18-21 taong gulang upang matiyak na may ligal silang kapasidad na gampanan ang kanilang tungkulin.

    * Bigyan ang mga SK unit ng fiscal autonomy sa kanilang pondo at i-require silang ilagak ang pondo sa isang bangko na pagmamay-ari ng gobyerno.

    * Tiyakin ang transparency ng mga yunit ng SK sa pamamagitan ng mandatory na pagsusumite ng mga SK unit ng isang quarterly financial report.

    * Italaga ang KK bilang pinakamataas na policy-making body ng SK. Tungkulin ng KK na magdaos ng regular na konsultasyon sa iba’t ibang organisasyong pangkabataan sa kanilang komunidad.

    * Hikayatin ang SK na manguna sa pagsusulong ng batayang karapatan ng mga kabataan tulad ng edukasyon para sa lahat, maayos na trabaho para sa kabataan, sustainable development, karapatang pantao at hustisyang panlipunan.

Ano ang dapat gawin?

Sa pakikipagtulungan ng National Youth Commission, inilunsad ng Kabataan Partylist ang “Ayos! A campaign for youth empowerment and public service”, isang awareness at registration campaign sa mga komunidad at barangay sa buong bansa.

Hinihikayat ang lahat na makiisa sa pagsusulong ng HB 1963 sa Kongreso. Maaari ring maglunsad ang mga organisasyong pangkabataan at mga SK unit ng kampanya upang ipalaganap ang impormasyon at kaalaman hinggil sa SK at sa HB 1963. Maaring bumuo ng petition letters at maglunsad ng signature campaign ang mga organisasyon na kanilang ipapasa sa kongresista ng kanilang distrito at sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan.

Maaari ring makipag-ugnayan sa Kabataan Partylist. Inaanyayahan din ang lahat na magparehistro (mula august 6- 15) at lumahok sa nalalapit na SK elections ngayong Oktubre 25.

Magparehistro at lumahok sa SK Elections!
Isulong ang SK Strengthening and Reform Bill (HB 1963) ng Kabataan Partylist!


Isang paalala mula sa Kabataan Partylist. Maaari din kayong magtungo sa site ng COMELEC para sa iba pang imporamsyon hinggil sa Barangay Elections.





No comments:

Post a Comment

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!