"My baby could not sleep until I put him beside me... I could not get my eyes off my son lying next to me. He looks like his father. He kicks so
strongly the basin almost fell when we were bathing him the other
morning.”
-Carina "Judilyn" Oliveros, Morong 43
Interview statement from bulatlat
Dalawang buwan bago ang kanyang pagsilang sa kanyang unang anak ay nakakwentuhan ko si Judilyn nang ako ay dumalaw sa 43 Health Workers sa Camp Bagong Diwa kung saan sila ay kasalukuyang nakapiit. Isa si Judilyn sa pumukaw ng atensyon ko dahil naawa ako sa kanyang kalagayan bilang buntis sa loob ng piitan. Noong araw na iyon ay wala akong halos ibang kinausap kundi sya at si Mercy na buntis din. Naawa ako sa kanila. Naawa ako sa mga magiging anak nila. At naiinis ako sa mga gumagawa sa kanila ng ganito.
Si Judilyn ay isa sa mga 43 Health Workers na iligal na inaresto ng mga sundalo sa Morong noong Feb 6. Isa rin siya sa nakaranas ng torture sa kamay ng militar. Pero lahat ng iyon ay pinaglabanan nila. Hindi sila bumigay at patuloy na umasa para sa kanilang paglaya. Nagpakatatag at nanindigan para sa kanilang ipinaglalaban.
Noong ako ay nakikipagkwentuhan kila Judilyn, nakita ko sa kanya ang katatagan. Nakita ko sa kanya ang labis na pagmamahal nya sa kanyang gawain bilang volunteer community health worker. Sabi niya sa akin, siya daw ay naiinis dahil sa marami na namang mapagkakaitan ng serbisyong medikal sa kanilang lugar dahil sa kanyang pagkawala. Isa siya sa mga pinaka-aktibong manggagawang pangkalusugan sa kanayunan na nagbibigay ng iba't ibang serbisyong medikal sa mga taong malaon ng pinagkaitan ng serbisyo ng gobyernong ito. Dagdag pa nya, pinili nya ang gawaing ito kahit alam nyang hindi siya rito yayaman at sadyang delikado. Para sa kanya, ang kanyang karanasan bilang mahirap ang nagtulak sa kanya para maging community health worker. Ito raw ang paraan nya para gamitin ang kanyang karunungan at mga natutunan para paglingkuran ang bayan.
Tinanong ko siya kung ano ang pakiramdam niya bilang buntis at nakakulong. Sabi nya sa akin ay nakakalungkot at nakakakaba dahil hindi niya raw alam ang magiging kinabukasan ng kanyang magiging anak sa ganoong set-up. Si Judilyn ay hiwalay sa kanyang asawa. Nakakalungkot daw na manganganak siya sa gitna ng ganoong kalagayan--na sila ay nasa piitan. Pero buong tatag niyang sinabing proud siya sa magiging anak niya dahil ang anak niya ay ipapanganak sa panahong masasaksihan nito ang pasismo at kabulukan ng hustisya sa bansa. Biro pa nga nya ay MORONG ang ipapangalan niya sa kanyang magiging anak. Para daw hindi makalimutan ng kanyang anak ang lahat ng kanyang sakripisyo para lang mabuhay siya at mga sakripisyo n'ya para sa paglilingkod sa bayan. Umaasa daw siyang lalaya rin sila pero tanggap niya na ito ay maaaring sa matagal pang panahon. Malakas din ang kanyang loob na kalaunan ay makakamtan nila ang hustisya at doon magiging ganap silang malaya kasama ang mga anak nila. At isa raw sa pinagkukunan nila ng lakas ay ang suporta ng iba't ibang grupo at indibwal para sa kampanya sa kanilang paglaya.
Tinanong ko din kung sa ganoon niyang kalagayan ay kung may pinagsisisihan ba siya at buong pagmamalaki nyang sinagot na wala ni kahit ano siyang pinagsisisihan. Hindi siya nagsisisi sa kanyang pagkakulong. Hindi siya nagsisisi sa pagiging community health workers at lalong hindi raw siya nagsisisi sa ginagawa niyang paglilingkod para sa bayan. Ang dapat daw magsisi ay ang mga gumagawa sa kanila ng ganito. Na silang naglilingkod at tumutulong sa bayan ay hinaharas, hinuhuli at kinukulong. Dagdag pa niya, matibay ang kanilang paninidigan at mataas ang kanilang moral na sila ay babalik sa mga gawain bilang mga manggagawang pangkalusugan sa oras na sila ay makalaya. Wala raw dahilan para sila ay tumigil lalo na daw ngayon na laganap ang kahirapan at marami pa ang nangangailan ng tulong nila. Sila raw ay hindi kailanman mapipigilan sa kanilang mga gawain ng kahit anong uri ng panghaharas sa hanay nila. Ito ang mga katagang tumatak sa aking utak. Humanga ako sa kanya. Humanga ako sa katatagan at dedikasyon nila. Wala silang bahid ng pagsisisi. Wala silang bahid ng pag-aalinlangan para paglingkuran ang bayan. Ikulong man sila, kasuhan, pahirapan ay tanggap nila basta't mapaglingkuran ang sambayanan.
Photo from Ronalyn Olea/ Bulatlat.com |
July 22, 2010. Ipinanganak ni Carina "Judilyn" ang kanyang anak sa Philippine General Hospital batay na rin sa release order na ibinigay sa kanya ng korte. Ngunit sa pagkakataong ito ay minamadali na si ate Judilyn para bumalik sa kulungan. Mariin ang pagtanggi niya dito. Sana raw ay pagbigyan naman daw siya ng mga kinauukulan upang makasama ang kanyang anak. sa mas mahaba pang panahon Lungkot at galit ang nararamdaman ni ate Judilyn dahil sa ginagawa sa kanila. At dahil dito ay lumala pa ang iba't ibang kumplikasyong bunga na rin ng kanyang panganganak tulad ng labis na pagdurugo.
Mahirap sa isang ina ang mawalay sa kanyang sanggol lalo na sa panahong nararamdaman niyang kailangan pa siya nito.
At ayon na rin sa rekomendasyon ni Dr. Julie Caguiat, tagapagsalita ng FREE THE 43 HEALTH WORKERS ALLIANCE ay nararapat na bigyan ng sapat na panahon si Judilyn para sa kanyang ganap na pagrecover mula sa kanyang panganganak at para sa ikabubuti ng kalusugan ng sanggol.
Sa ngayon ay nagsasagwa ng iba't ibang ligal na hakbang ang nasabing grupo para sa kagyat na pagpapalaya kay Judilyn.
"Lalaya kami. Naniniwala kami na lalaya rin kami. at sa araw ng aming paglaya, ipinapangako namin na kami ay agad babalik sa kumunidad at sa pagsisilbi sa sambayanang malaon ng pinagkaitan ng serbisyong pangkalusugan"
-43 Health Workers in their 4th month of detention
No comments:
Post a Comment
Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!