“SDO o LAND DISTRIBUTION? Pipirma
po kayo kung ano ho ang gusto ninyo. Kung yung SDO ibigsabihin tuloy po kayo sa
trabaho at may pera, pwede rin hong piliin ninyo ang LUPA (land distribution).”
Ganito kasimple ang
paliwanagan sa naganap na ‘referendum’ sa club house ng Las Haciendas de
Luisita isang lingo bago ganapin ang naitakdang oral argument hinggil sa kaso
ng Hacienda Luisita. Walang detalye. Walang masinsing paliwanagan. Walang
maiging konsultasyon. Basta idinaos. Ayon pa nga sa ilang residente at magsasaka
ng hasyeda, napilitan silang sumali sa ‘referumdum’ dahil sa mga naririnig
nilang usapan na ‘wala silang matatanggap na pera’ kung hindi boboto. Ito ang
mensaheng kumalat sa buong lugar noong nakaraang lingo. Laganap din ang
matinding pananakot at panghaharas ng mga militar sa mga residente ng hasyenda.
Hakot doon. Hakot dito. Lahat kailangang bumoto. Pero hindi rin maikukubli ang
katotohanang ang iba ay bumoto dahil sa pag-aakalang ito na ang kasagutan sa
kanilang matagal ng laban para sa hasyenda. Nang hindi naiisip (dahil na rin sa
walang nagpaliwanag at dahil sa pagiging biglaan nito) na ito ay isa namang
tipo ng panlilinlang sa kanila. Nakakadismaya.
Sa huli, humigit kumulang 7302
magsasaka at manggagawang bukid ang pumirma pabor sa stock distribution option
(SDO). Nakakalungkot na sa kadesperayonan ng mga Cojuanco para patuloy na
ankinin ang lupaing matagal na nilang pinakinabangan ay muli na naman silang
gumagawa ng mga mapanlinlang na hakbang laban sa mga magsasaka. Nakakagalit na
ginagamit ng mga Cojuanco ang labis na kahirapan ng mga tao sa hasyenda para
bulagin sila sa isang bogus na ‘kasunduan’. Kasunduang pabor lamang sa kanila.
Kasunduang magpapanitili sa kontrol nila sa Hasyenda.
ANG MADUGONG KASAYSAYAN NG HACIENDA LUISITA
Taong 1957 ng bilhin ng
pamilyang Cojuanco ang halos 6500 ektarya ng lupain ng Hacienda Luisita. Ang
perang ginamit para mabili ito ay hiniram mula sa GSIS at Bangko Sentral ng
Pilipinas. Pinahiram ang perang ito sa mga Cojuanco sa kasunduang ipamamahagi ng angkan ang kabuuang lupain
sa mga magiging magsasaka nito makalipas ang sampung taon. Ngunit lumipas
ang ilang dakada, nanatili sa kontrol ng angkan ang buong lupain. At imbes na
ipamahagi ang hasyenda, taong 1989 ay nagpatupad ang angkan ng sistemang Stock Distribution Option kung saan ay
gagawin na lang di-umano ang mga magsasaka bilang stock holder ng Central Azucarera de Tarlac. Ngunit lumipas
ang maraming taon, ang SDO ay naging inutil para sa mga magsasaka. Hindi nito
pinaunlad ang abang kalagayan ng mga manggagawang bukid at magsasaka ng
hasyenda. Lalong silang nabaon sa kahirapan. Nabawasan ang araw ng pagtatrabaho ng
mga manggagawang bukid at ang lupa ng mga magsasaka ay lalong nawala sa kanila.
Mula noon ay tumatanggap na lang sila ng 9.50 sahod kada araw. Imbes na
ipamahagi ang lupain ayon na rin sa Comprehensive
Agrarian Reform Program ito ay
nanatili sa angkan ng mga Cojuanco. Sa totoo lang, mismong si dating pangulong
Cory Aquino na nagsasabing puso ng kanyang pagiging pangulo ang CARP ay bigo sa
pagpapatupad nito. Ang mas kasuklam suklam pa nga rito ay sa mismo nilang
lupain ay bigo sila para ipatupad ang repormang agraryo. At ang SDO ay isa sa
mga patunay na bigo ang programa na ito.
Dahil sa labis na disgusto ng mga
magsasaka sa sistemang ito na labis na naglugmok sa kalagayan nila, Nobyembre
taong 2004 ay naglunsad ng welga ang mga magsasaka ng hasyenda. Ilang araw ding
itinayo ng mga magsasaka ang piket para igiit ang mas mataas na sahod at ang
tuluyan nang pamamahagi ng lupa sa kanila. Ngunit ang welgang ito ay ilang
beses ding tinangkang buwagin ng angkan sa pamamagitan ng pagdedeploy na
napakaraming militar sa lugar. Sa panahon na nakatayo ang welgang ito ay samut
saring panghaharas ang naranasan ng magsasaka. Katumbas naman nito ay ang
lalong pagtibay ng loob ng mga magsasaka at manggagawang bukid para ilaban ang
kanilang lupa. Matagumpay nilang naparalisa ang operasyon ng kompanya. Ito ay
isa lamang sa mga patunay na sila ang tunay na lumilikha ng yamang ipinagkakait
sa kanila. Hindi rin nagpakita ng interes at sensiridad ang angkan para
makipagnegosasyon sa mga magsasaka. Bagkus, pinatindi pa nito ang
militarisasyon sa buong hasyenda.
Nobyembre 16, 2004. 10 araw
mula nang ikasa ng magsasaka ang welga, naganap ang isang karumal dumal na
masaker sa hasyenda. Imbes na tugunan ang kahilingan ng mga magsasaka, bala ang
itinugon sa mga ito. Pinaulanan ng bala ng mga militar at kapulisan ang mga welgista na
nagresulta sa pagkasugat ng maraming welgista at pagkamatay ng pito sa kanila. Naganap ang makasaysayang Hacienda Luisita
Massacre. At mapasahanggang ngayon ay wala pa ring nananagot sa nasabing masaker.
ANG STOCK DISTRIBUTION OPTION at ANG ILIGALIDAD NITO
Ang stock distribution option
(SDO) ay isang anyo ng panglilinlang sa mga magsasakang tunay na nagmamay-ari ng
lupa. Sa ganitong iskema ay gagawin di-umanong stock holder ng isang
korporasyon ang mga magsasaka at ang lupa nila ang magsisilbing share sa
korporasyon.
Sa ganitong paraan
napapanatili ng mga panginoong may lupa
ang kontrol sa buong lupain. Napapanatili din nila ang pagsasamantala sa mga
magsasaka. Ganito ang nangyari sa Hacienda Luisita ng ipatupad ng angkan ang SDO
taong 1989. Pawang papel lamang ang natanggap ng mga magsasaka. Dahil din sa
SDO ay nabawasan ang mga araw ng pagpasok ng manggagawang bukid sa loob ng
hasyenda. Kung dati ay araw araw ang pasok nila, ito ay ginawa na lamang 3 beses
kada lingo. Dinugas din sa hatian ng share ang magsasaka ng hasyenda na
nagresulta sa hatiiang 67% share ng Hacienda Luisita Incorporated at 33 % share
ng mga magsasaka. Ibigsabihin, naging major stock holder pa ang mga Cojuanco
imbes na ang magsasaka. At ito ay naganap sa pamamagitan ng pambabarat sa
presyo ng lupang pinagmamay-arian ng mga magsasaka at sobrang presyo naman para
sa mga gamit at lupang nagmula sa angkan. Sa ganitong paraan nagkaroon ng sapat
na kontrol ang mga Cojuanco habang nanatiling walang magawa ang mga magsasaka.
Taong 2005, ayon sa
imbestigasyon ng Presidential Agrarian
Reform Council at Department of
Agrarian Reform, pinatigil sa Hacienda Luisita ang pagpapatupad ng SDO. Ito
ay sa batayang, una ay hindi pinaunlad ng nasabing iskema ang kabuhayan ng mga
magsasaka bagkus ay pinalala pa ito. Pangalawa, marami ang naging mga violation
ng ankan sa mga public policy tulad ng Land Use Coversion na pinatupad nito sa
loob ng hasyenda. Pangatlo, walang dibidendong natanggap ang mga magsasaka sa
ilalim ng SDO at panghuli ay ang di-patas na hatiian ng share sa kita ng
korporasyon. Ang 33% na dapat nakukuhang share ng mga magsasaka sa korporasyon
ay naging 3% lamang sa katotohanan.
Bukod pa sa pagpapatigil ng
PARC at DAR sa SDO ay nagbaba din sila ng desisyon na ipamahagi na ang lupain
sa mga benepesyaryo nito. Ngunit nagsampa ang angkan ng Temporary Restraining
Order para sa desisyong ito. Ito ang lalamanin ng magiging oral argument sa
Korte Suprema sa August 18.
ANG BOGUS NA COMPROMISE AGREEMENT SA HASYENDA
ANG BOGUS NA COMPROMISE AGREEMENT SA HASYENDA
“Ang sabi sa konstitusyon, lupa
ang ipamigay mo sa mga magsasaka, hindi papel”
Isang linggo bago ang
nakatakdang Oral Argument sa Korte Suprema ay lumabas itong ‘compromise deal’
na mula sa mga Cojuanco na pirmado o aprubado daw ng mga lehitmong lider ng mga
unyon sa Hasyenda. Kasunod ng deal na ito ay ang pagdaraos ng ‘referendum’ sa
mga magsasaka para papiliin sila kung SDO o LAND DISTRIBUTION ang gusto nila.
Nakakapagtaka lang ay kung bakit
nagdaos ng ganito at para saan ba ang ‘compromised deal’ na ito kung may
nakaset naman ng Oral Argument sa Korte Suprema. Ito ba ay para impluwensyahan
ang magiging deisyon ng Korte Suprema? Kitang kita ang motibo ng angkan sa
paglikha ng bogus na kasunduang ito. Ito ay upang linlangin na naman ang
magsasaka at upang igiit na naman ang kontrol nila sa hasyenda.
Isa pa sa mga kwestyubale sa
kasunduang ito ay ang sinasabi nilang representasyon ng mga nagpapanggap na mga
lider daw ng unyon sa Hasyenda tulad ng ULWU at AMBALA. Ayon sa angkan ay
pirmado daw ng mga lider ng ULWU at AMBALA na sina Noel Mallari at Eldefonso
Pingol ang kasunduan. Pinagtataka mismo ng mga magsasaka sa hasyenda ay kalian pa
sila mga naging pangulo ng mga unyong ito. Ayon mismo sa korter suprema, si
Noel Mallari ay president ng FARM Luisita. At si Eldefonso Pingol naman ay isa
mga nagtaksil sa ULWU at matagal ng nakipagkompromiso sa angkan. Kapwa sila
nakatanggap na ng lupa at mga suhol sa mga Cojuanco. Kahit sila ay hindi nila
ito maitatanggi. Ngayon, paano nila sasabihing nirerepresenta nila ang
kagustuhan ng mga magsasaka sa kabila ng katotohanag kapwa na sila ahente o
nagtatrabaho sa korporasyon ng mga Cojuanco?
Ayon pa sa kasunduang ito, lahat
ng kaso, mga naging kaso at isasampang kaso laban sa angkan ay dapat ng
mapasawalang bisa. Nakakatawa na pati ang mga kasong hindi pa naisasampa ay
nais nilang i-waive. Kumbaga ay ‘forever immunity’ ang gusto ng mga Cojuanco.
Nakalagay din sa kasunduan na ang mga magsasaka ay wala ng karapatang tutulan
ang anumang planong gawin ng angkan sa lupain. Ibigsabihin, kahit magpalit
gamit ng lupa sa ilang bahagi ng hasyenda ay wala ng karapatang tumutol ang mga
magsasaka dito. Ang Land Use Coversion ay ang pagpapalit gamit ng lupa mula sa
lupaing agrikultural patungong komersyal o industrial. Sa ganitong paraan,
nakakaiwas ang mga panginoong may lupa sa pamamahagi ng lupa. Ayon kasi sa
CARP, ang mga komeryal at industriyal na lupain ay hindi kasama sa
ipamamahaging lupa. Ito ang ginawa ng mga Cojuanco sa ilang libong ektarya ng
hasyenda kung kayat mula sa halos anim na libong ektarya ng lupang ipamamahagi
ay naging 4100 ektarya na lamang ito at tuluyan pang naging 1400 ektarya na
lang base na rin sa 33% share of stocks ng mga magsasaka. At dahil dito ito ay labis
ng lumiit ang pagmamay-ari ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita.
Kasama din sa kasunduang ito
ang pamamahagi ng mga financial package sa mga magsasaka. Noong nakaraang
huwebes nga ay napamahagi na di-umano ang 20 milyong financial package na ito.
Sa katapusan ng pamamahagi ng perang ito, marami ang nadismaya dahil ang ilan
sa kanila ay halos nakatanggap lamang ng ilang daan o mas mababa pa sa piso.
Ito ang katotohanang ikinubli ng management ng Hacienda Luisita Incorporated.
Hindi ipinaalam sa mga magsasaka ang laki ng perang matatanggap nila. Basta
ang sabi, mamamahagi sila ng milyon. Ito ang dahilan kung bakit maraming pumili
sa SDO at pera kaysa sa pagbawi sa lupa nila. Ito ay labis na panloloko. Ito ay
panlilinlang. Ito ay pagsasamantala sa kawalan ng kaalaman ng mga magsasaka.
At sa dinaos na ‘referendum’
90% di-umano ang pumili ng SDo kaya makatarungan na raw ang pagbabalik sa
sistemang ito. Nakakagalit lang na sa kadesperasyunan ng angkan na magpatuloy
sa pagkontrol sa lupa ay maging ang mga garapalang panlilinlang ay ginagawa na
nila sa mga magsasaka. Pera ang ipingako ng angkan na kahit sinong mahirap ay
pipiliin. Ngunit hindi dapat sinamantala ng angkan ang kahirapan ng mga
magsasaka nila para tahasan silang paasahin at linlangin.
ANG PAMILYANG COJUANCO AT SI NOYNOY AQUINO
Naisip ko lang, sa ilang dekadang
nakinabang na ang angkan sa perang iniluluwal ng hasyenda bakit kaya hindi pa
nito magawang ibalik ang lupain sa mga tunay nitong nagmamay-ari? Nais nilang
lalong magpayaman pa sa pamamagitan ng panloloko. Ayaw nila itong bitawan kahit
sa anyo ng deperadong pang-aankin at patuloy na pangangamkam.
Sa panahon na tumatakbo ang
noo’y presidentiable candidate na si Noy noy Aquino, ipangako ni Noynoy na
tutugunan nya ang problema sa hacienda luisita sa oras na siya ay maging pangulo.
Buong yabang pa nga nyang ipangakong ipamamahagi na niya ito. Kasabay din nito
ang mariin namang pagtutol ng iba niyang kamag-anak. Hindi o wala silang balak
isuko ang lupain.
Ngayong pangulo na si Noynoy,
buong yabang nya pa ring binitbit sa mga unang araw nya ang pangakong
reresolbahin na nya ang usapin sa hasyenda. Ngunit ito ay di niya napanindigan!
Lumipas ang ilang araw na nagiging matunog na ang isyu sa hacienda luisita ay
walang ibang pahayag si P-Noy kundi ang kagustuhan nyang dumistansya sa usapin.
Ito ba ang ipingako niya? Natatandaan ko pa nga sa isang interview nya na
tinanong siya hinggil sa pahayag ng kanyang mga tiyuhin na tumututol sa pamamahagi ng hasyenda, ang
sabi niya: “we will see, I am the president, kahit maliit ang share ko dun, presidente
ako”.
Nasa’n na ito ngayon? Nasan na
ang sinasabi niyang preseidente siya? Nasan na ang kanyang political will para
resolbahin ang isyu sa hacienda luisita? Talaga bang siya ay dumidistansya lang
o may pinapanigan? Hindi niya maitatago ang katotohanang sa bandang huli ay ang
interes pa rin ng angkan nila ang pinoprotektahan niya. Siya na ang president at
kaya niyang baliktarin at impluwensyahan lahat ng desisyon ng mga ahensya ng
gobyerno para lang itaguyod ang interes nila bilang mga panginoong may lupa.
Natatandaan ko lang, minsan
binanggit pa ni P-Noy na ang kaguluhan daw sa Hasyenda, ang welga ng mga
magsasaka ay dahil raw sa sulsol ng mga nasa kaliwa. Itinutuon niya ang sisi sa
iba habang hindi tinitingnan ang sarili nyang bakuran at ang kanilang pananagutan. Hindi masama ang
magwelga at ito ay isang karapatang ginagarantiyahan ng ating konstitusyon. Isa
pa, hindi kailangang sulsulan ang mga magsasaka para magwelga lalo na kung sila
bilang mga stock holder kuno ay kumikita lamang na P9.50 kada araw.
Pahayag din ng kapatid ni P-Noy
sa isang interview na ‘pretty spoiled’ ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita.
Ibigsabihin ay umaabuso na raw. Pinagtaka ito ng mga nasa kaliwang grupo. Ayon
sa kanila, saan daw parte ng universe nakuha ni Ballsy ang ganoong ideya nang
hindi binabanggit ang P9.50 pinapasahod nila sa mga magsasaka.
Buong angkan nila mula sa mga
Cojuanco, hanggang sa isang artista, mga negosyante at pati pangulo giniit na
ang pagmamay-ari nila sa Hacienda Luisita. Ano pa nga ba ang aasahan ng mga
magsasaka? Naisip ko nga, nakikita ba nila ang kahirapang idinudulot nila sa
mga magsasaka ng hasyenda? Hindi man lang ba sila nakakaramdam ng konsensya?
Mayaman na sila hindi ba? Umaabuso na nga ba talaga ang mga magsasaka na ang
tangi lang namang kagustuhan ay ibigay na sa kanila ang lupang dapat naman
talaga ay mapunta na sa kanila. Nakikita ba nila ang mga itsura ng mga ito?
Mukha na silang mga timawa sa lupaing dapat ay mag-aangat sa kanilang
kabuhayan. Habang nagpapakasasa ang buo nilang angkan sa yamang ibinibunga ng
pagpapagal ng mga magsasaka nila. Hindi man lang ba ito naiisip ng mga
Cojuanco?
Sa lahat ng ito, nakita na
mula noon hanggang ngayon ay desidido ang angkan para kakamkamin at
pagmay-arian pa rin ang Hacienda Luisita. Ngunit ito ay napag-isipan na ng mga
magsasaka nila. Matapos silang muling maloko ay nagising na muli sila. At
maghanda na ang mga Cojuanco sa labang ikakasa ng mga magsasaka ng hasyenda. AT
AKO, SILA at MARAMI PANG IBA AY SUSUPORTA SA LABAN NILA.
MAAWA KAYO HINDI LANG SA MGA MAGSASAKA NGUNIT MAGING SA ANGKAN NINYO
DAHIL SA ORAS NA MATAGUMPAY ANG LABAN NG MGA ITO, AY SISINGILIN NILA KAYO,
LAHAT KAYO NA NAGING BAHAGI NG MAKASAYSAYANG PANANAMANTALA SA KANILA. MAAWA
KAYO SA MGA SARILI NINYO SA ORAS NA DUMATING ANG ARAW NA ITO.
“Matagal na kaming tumatahak sa
matuwid na daan, at ang patutunguhan ng daang ito ay ang pagmamay-ari namin sa
kabuuang lupain ng Hacienda Luisita”
-Lito Bais
(Magsasaka ng Hacienda Luisita at Presidente ng United Luisita Workers Union)
theres no other option but physical land distribution...
ReplyDeleterebolusyong agraryo! bawiin ang luisita!
ReplyDeleteang kaso ng Luisita ay magiging salamin ng laban ng manggagawa, kung sa usaping ito ay lantarang nadaya o nalinlang ang mga magsasaka kahit ito ay sinubaybayan ng media at ng buong Pinas. Pano pa kaya ang mga manggagawang lihim na pinagsasamantalahan ng gobyerno at kapitalista?
ReplyDeleteTotoong hindi makamit ang lupa sa ano mang kasundoang na pinapangunahan ng mga panginuong may lupa!
ReplyDeleteMakamit lamang ito sa masinsing pakibaka ng mga mamayan na naghahanap ng tunay na pagbabago at naargabyo sa mga patakaran ng gobyernong pinatakbo ng mga pulitikong trapo at konsebatibo!
ipagpatuloy ang pakikipaglaban para sa karapatan ng mga magsasaka at mga manggagawa.....lahat ng batayang karapatan.... edukasyon ,makatarungang pasahod na makabubuhay sahod sa isang simpleng pamilya at kalusugan....nakikibahagi AKO s kanilang laban
ReplyDeleteas a student i think ipagpatuloy nila ang laban kung pagmamay ari nila ito ??? meron bang stock holder na ang sweldo 9,50 anung klaseng pa sweldo un
ReplyDeleteThank You po sa pag blog nito =) I helped A LOT.
ReplyDelete