Kuha ni Anto Balleta |
Hindi ito pangkaraniwan. Wala ako sa inyong mga practice. Hindi ko rin napanood ang inyong unang pagtatanghal. At wala rin akong mga larawan ninyo.
Wala
akong ibang nagawa kundi makibalita sa pamamagitan ng facebook, text o
pagtatanong sa ibang mga kasamang nakapanood sa inyong pagtatanghal. Sabi nila,
ayos naman daw, maganda. Kwento rin sa akin ng kasama ninyo sa pagtatanghal, ayon
sa feedback ng mga nakapanood ay maganda at maayos naman daw kaya nga lang ay may
ilang flaws.
Natutuwa ako. Natutuwa ako dahil natupad na ang inyong pangarap sa unang pagkakataon na makapagtanghal bilang mga artista ng bayan. Natutuwa ako dahil ano pa man ang kinalabasan ng inyong pagtatanghal ay nakita ko ang inyong pagkagalak dahil alam ninyo kung kanino ninyo ito inaalay.
Naisip
ko tuloy, ang simple lang pala ng mga pangarap natin. Halimbawa kayo, pangarap
ninyong makapagtanghal sa mga kilos-protesta. Pangarap ninyong mapanood kayo ng mga tao habang itinatanghal ang
kanilang kalagayan. Hindi ito tulad ng mga pangarap ng ilang kabataan na
makapagtanghal sa pinakasikat na TV Program sa loob at labas ng bansa. Hindi
ito tulad ng mga pangarap ng pangkaraniwang kabataan na makapagtanghal hindi
para ilahad ang kalagayan ng mga inaapi ngunit sa ngalan ng pera. Hindi ito
tulad ng pangarap ng mga bata sa “Goin’ Bulilit’ na sa maagang panahon ay nagtatrabaho
na para sa kasikatan at kayaman. Kayo, simple lang ngunit makatwiran ang inyong
pangarap. Makapagtanghal sa mga kilos-protesta, magustuhan ng mga manonood ang
inyong gawa, mailahad at maipaintindi pa sa nakakarami ang kalagayan ng mga
inaapi. Simple lang.
Natutuwa ako. Natutuwa ako dahil alam kong nagtanghal kayo na alam kung para kanino ito—na alam ninyong ito ay para sa masa. Sabi nga ng isa sa mga kasama ninyong nagtanghal, iba talaga ang pakiramdam, iba ang saya, iba ang galit kapag ang ginagawa mo ay para sa masa.
Sana
ay marami pang pagtatanghal ang sumunod. At kagaya ng inyong mga simpleng pangarap, sana sa mga susunod na
panahon ay hindi na ang aping kalagayan ng masa ang inyong tinatanghal ngunit, sa
bawat paggalaw ng inyong mga kamay, sa bawat awit at musikang inyong sinasambit
ay tagumpay na ng sambayanan ang inyong
isinasalarawan.
Lagi ninyong tatandaan,
walang ibang pinakamagandang direksyon kundi ang pasulong. At kayo bilang mga kabataang
organisador, pinakamataas na pagpupugay para sa mapangahas na unang
pagkakataon. Saludo ako sa inyong pagsulong. Saludo ako na habang umuunlad kayo
bilang mga kabataang aktibista, pinapauunlad din ninyo ang inyong mga talento
para sa bayan. Saludo ako sa galing ninyo. Dahil ang kagalingan ng bawat
pagtatanghal ay hindi masusukat sa kawalan ng kamalian o pagiging perpekto
nito, masusukat ang kagalingan ng bawat pagtatanghal sa kung kanino ninyo ito
inaalay at kung sino ang pinaglilingkuran nito.
No comments:
Post a Comment
Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!