Popular Posts

Friday, January 21, 2011

Kabataan nagprotesta laban sa LRT/MRT fare hike

Sit-down protest sa loob ng LRT kontra taas-pasahe

Nagprotesta ang may isang daang kabataan sa loob mismo ng Legarda Station ng Light Rail Transit (LRT) kanina upang tutulan ang nakaambang taas-pasahe sa LRT at MRT.

Kabilang sa mga nagprotesta ang ilang mga estudyante mula sa Unibersidad ng Pilipinas, Polytechnic University of the Philippines, University of Sto. Tomas, University of the East, at De La Salle University.

Ayon kay Vencer Crisostomo, secretary general ng Kabataan partylist, hindi naniniwala ang mga kabataan sa sinasabi ni Pangulong Aquino na mapupunta umano sa dagdag serbisyo ang kita sa taas-pasahe bagkus ay magiging dagdag kita at pambayad utang lamang ito sa mga malalaking  dayuhang kumpanya at mamumuhunan.

Dagdag pa ni Crisostomo, mula pa man noon ay puro utang lamang ang nababayaran ng LRT at MRT sa dayuhang kumpanya na nagpapatakbo rito na bunga ng pagbibigay ng garantiya ng gobyerno sa mga dayuhang mamamumuhunan ng kita o ang sovereign guarantee.

Ani Crisostomo, ipinagpapatuloy lamang ni Aquino ang ganitong sistema sa pamamagitan ng Private-Public Program o PPP ng kanyang administrasyon.

Ayon pa sa pagtutuos ng mga kabataan, halos P700 pataas kada buwan ang magiging dagdag na gastusin ng mga mananakay ng LRT at MRT dahil sa pagtataas ng pamasahe nito. At tiyak na magiging malaking bagay ito sa mga pangkaraniwang pamilya.

Panawagan ng mga kabataan,  kung tunay umanong tinatahak ni pangulong Aquino ang tuwid na daan ay pigilin niya ang mga ganitong pagtataas na lubhang magiging dagdag na pahirap sa bawat Pilipino.

Sa mga susunod na araw ay papataasin pa umano ng mga kabataan ang antas ng kanilang protesta laban sa MRT at LRT fare hike.

Matapos ang ilang minutong programa sa loob ng estasyon, ipinagpatuloy ng mga kabataan ang kanilang protesta sa baba ng estasyon at nangalap  ng pirma mula sa mga pasahero na tutol din sa taas-pasahe sa LRT at MRT.



Kodao Productions. Jaime de Guzman/ Cris Balleta
Para sa karagdagang larawan i-click ito.

No comments:

Post a Comment

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!