Popular Posts

Thursday, October 7, 2010

100 Araw: Ang pagtutuos sa daang matuwid (Part 4)

Akala ko sa Wikang Ingles ka lang hirap, Noy.

Akala ko.

Akala ko sa Wikang Ingles ka lang hirap, Noy. Akala ko talaga. Kaya nga, sinubukan kitang paliwanagan sa mga terminong ginamit mo kamakailan sa iyong pananalumpati sa harap ng UN, mga terminong, baka kako hindi mo nauunawaan ang depinisyon at kahulugan.

Ngunit, kahit pala sa sariling wika'y hindi ka nakauunawa. Mano ba namang ito ang mensaheng binigkas mo kahapon sa iyong paguulat sa bayan sa mga naabot at itinakbo ng iyong unang isang daang araw.

Ano, kamo? 

"Isandaang araw po ang nakalipas, nagpanata ako sa taumbayan: Hindi ko tatalikuran ang tiwalang kaloob ninyo sa akin. Ang nakalipas na isandaang araw ang magsisilbing tanda ng ating paninindigan."

Hindi mo kamo tatalikuran ang tiwalang kaloob namin sa iyo? Alam mo ang ibig sabihin ng salitang "hindi", at ng salitang "tatalikuran" na may salitang ugat na talikod/likod? Alam mo ba Noy, na ngayong araw na ito, na iyong ika-sangdaang araw, ay siya ring ika-dalawangdaan apatnapu't dalawang araw mula nuong ipinangako mong ipapamahagi mo na ang lupa sa Hacienda Luisita? Kampanya pa nuon, Noy, nililigawan mo palang kami. Ipinangako mo ang Luisita bilang dote kung ibibigay namin ang aming matamis na Oo. Ngunit Noy, naikasal ka na sa Bayan at lahat, nakanino pa din ang pagmamayari ng lupaing kasing laki ng pinagsamang Makati at Maynila? Nasa kamay na ba ito ng anim na libong mahigit na magsasaka at pamilya nila, o nasa kamay pa din ng iisang pamilya? Kanino nga uling pamilya Noy? Pamilya Cojuangco-Aquino? Pamilya mo Noy, pamilya mo.

Nagpanata ka Noy? Saan ito napunta? Tinangay ng hangin?

Ano kamo?

"Ngayon, mayroon na po kayong gobyernong handang makipag-usap at magsabi ng totoo; handang makinig sa makabuluhang usapan; handang iangat ang antas ng pampublikong diskurso ukol sa mga isyung makaaapekto sa ating lahat, at maging sa mga darating na henerasyon."

Unang araw ng pagupo mo, nagpasa ang mga magsasaka ng kanilang adyenda. Mahinahon, magalang, nanghihingi sila ng dayalogo. Matiyaga, matimtiman, nag-abang silang sila'y pagbuksan ng pinto ng palasyo. Pero Noy, ika apat ba o ika tatlong araw ng kampuhan sa Mendiola, ay marahas mo na silang pinawalis sa mga aso ng Manila's Finest. Dinampot sila't hinarass na makulong. Habang mapayapa naman ang kanilang kampuhan. Mapayapang paghihintay, kung kailan magbubukas ng pinto ang palasyo, upang dinggin ang kanilang dulog. Ayun ang makabuluhang usapan, ngunit humarap ka ba? Ayun ang diskursong dapat maiangat dahil ang isyu ng lupa, ay isyu ng pagkain, na isyu ng kalam na sikmura, na isyu ng kahirapan,  na isyu ng mamamayan---di ba to diskursong makakaapekto sa ating lahat at maging sa mga darating na henerasyon?

Ano kamo? 

"Ang natamasa po natin ngayong unang isandaang araw ng ating panunungkulan: Mayroon na po kayong gobyernong hindi kayo binabalewala o inaapi."

:) Kung di ba naman pagbabalewalang iisangdaang araw ka pa lamang ay may labing anim na ang biktima ng pampulitikang pamamaslang... karamihan dito'y magsasaka. Hindi pa kasamang, dumadami pa din ang bilanggong pulitikal. Huwag mong balewalain sila. Naaalala mo bang minsa'y bilanggong pulitikal din ang iyong Ama? Naalala mo bang pinaslang siyang pulitika din ang dahilan? May kapangyarihan kang itigil ang ganitong karahasan. Isang kumpas lang Noy, isang kumpas lang. Isa lang. Pero isangdaang araw na at wala pa ding nababago, nung isang araw lang nariyan ang Lumban 5.  NPA daw, porke't lider magsasaka. NPA na din, kahit legal na nakikibaka.

Ano kamo? 

"Nakita naman po natin ang katakut-takot na problemang minana natin, pero hindi po tayo natinag. Naisasaayos natin sa loob lamang ng isandaang araw ang hindi nagawa ng dating administrasyon sa loob ng tatlong libo, apat na raan, apatnapu’t walong (3,448) araw."

Ilang beses kang nagpatutsada sa nakaraan? Hindi ko na binanggit ang naruon sa mga naunang talata. Hindi naman kailangang ipaliwanag sa amin gaano kasama ang nakaraang rehimen. Dahil alam namin. Kung seryoso ka sa patutsada mo. Kasuhan mo. Ipakulong natin. Ipakulong na, Noy, hindi puro ka satsat ng mga pagkakamali niya pero wala ka namang konkretong ipinapakitang pagbabayad niya sa kanyang mga pagkakamali. Hindi na ba siya pagbabayarin pa Noy?

Maliwanag naman sa inisa isa mong mga bagay na naabot ang paglalatag mo ng daan para malawakang pagsasapribado ng mga pampublikong serbisyo. Sabi nga ng Representante ng ACT Teacher's Partylist:

“It's clear from his statement that his anti-corruption campaign is in the service of the major free market-oriented reforms of his administration, namely public-private partnerships and conditional cash transfers. The former will privatize even more public infrastructure and social services, leading to higher fees. The latter will provide scant protection for a limited number of the poorest families”

Ang klaro di ba. Nais lang niyang pagsilbihan ang mga nakaambang reporma sa usapin ng free-market. Kabilang dito ang PPP [public-private partnerships] at conditional cash transfers. Ang una, isasapribado nito ang marami pang mga pampublikong imprastraktura at mga serbisyong panlipunan. Ang klaro Noy, we can hear you. Dinig na dinig.

Ano kamo? 

"Ang punto po natin dito: Walang maiiwan. Hindi po tayo papayag na yayaman ang iilan habang nalulunod sa kahirapan ang karamihan."

Nice one Noy, nalulunod sa kahirapan ang mahigit anim na libong magsasaka't manggagawang bukid ng iyong Hacienda Luisita, bakit nangyayari pa ring ang yumayaman lang ay ang Pamilya Cojuangco Aquino?

Sumasakit na ulo ko Noy, sa mga sumusunod, hanggang dito---- 

"Binabatikos lang naman po tayo dahil may iilan na naghahanap ng paraan para magpatuloy ang siklo ng mali. Alam din naman po nila ang tama, hindi pa nila maatim gawin."

Nice one, paawa effect. Ikaw ang tama, ngunit binabatikos ka pa din? At kaming bumabatikos ang nagpapatuloy ng siklo ng mali??? Alam mo ang tama, Noy, bakit hindi mo maatim na gawin ito?

Ano kamo? 

"Hinding-hindi po tayo titigil sa tuwid na landas."

Sa daang matuwid?
Sa daang matuwid, na ang lupa'y duguan?
Sa daang matuwid na ang kabataan ay sa pag-aaral walang karapatan?
Sa daang matuwid na sa kababayan sa ibayong dagat ay walang pakialamanan?

Ah! sa daang matuwid, na ang naggigiit ng tuwid, ay dinudukot, pinapatay, minamasaker, o i-ni-imbentohan ng mga kasalanan?
Ah... sa Daan ng Panot na lalamya-lamya. Sa Daan ng Panot, na sa krisis ng lipuna'y ngisi ang sagot.

Tsk, Noy. Tsk. Akala ko sa Wikang Ingles ka lang hirap,
Akala ko.


Salamat kay Ayie Montalban ng Kilometer 64 para sa pagbabahagi ng sulating ito. Salamat kahit parang pilit lang hehehe :-) peace. Apir!

No comments:

Post a Comment

Please do not forget to have your identity. After commenting, you may share this. Thanks! Apir!